“Sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magpanatili para sa inyo ng mga matitira sa daigdig at upang panatilihing buhay para sa inyo ang maraming nakaligtas, Kaya't hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Diyos, at ginawa niya ako bilang ama kay Faraon, at bilang panginoon sa kanyang buong buhay, at tagapamahala ng buong lupain ng Ehipto” Genesis 45:7, 8, TKK 261.1
Pinanukala ng Diyos na sa pamamagitan ni Jose, maipakikilala ang relihiyon ng Biblia sa mga taga-Ehipto. Ang tapat na patotoong ito ang magiging kinatawan ni Cristo sa hukuman ng mga hari. Sa pamamagitan ng mga panaginip, nakipag-usap ang Diyos kay Jose sa kanyang kabataan, na nagpahiwatig sa kanya ng mataas na posisyon kung saan siya tatawagin upang kanyang punan. Upang pigilang matupad ang kanyang mga panaginip, ipinagbili si Jose ng kanyang mga kapatid bilang isang alipin, ngunit ang kalupitan nila ang nagdulot ng katuparan ng mismong bagay na inihula ng mga panaginip. TKK 261.2
Ang mga nagsisikap na ilihis ang layunin ng Diyos, at labanan ang Kanyang kalooban, ay maaaring tila umunlad nang panandalian; ngunit kumikilos ang Diyos upang maganap ang Kanyang mga layunin, at ipapakita Niya kung sino ang pinuno ng mga langit at ng lupa. TKK 261.3
Itinuring ni Jose ang pagbebenta sa kanya sa Ehipto na pinakamalaking kapahamakang maaaring mangyari sa kanya; ngunit nakita niya ang pangangailangang magtiwala sa Diyos na kailanman ay hindi pa niya nagawa nang iniingatan siya ng pag-ibig ng kanyang ama. Isinama ni Jose ang Diyos sa Ehipto, at ang katotohanang ito ay nahayag sa kanyang pagiging masayahin sa kabila ng kanyang kalungkutan. Kung paanong ang arka ng Diyos ay nagdala ng kapahingahan at kaunlaran sa Israel, sa gayon ding paraan nagdala ng pagpapala sa Ehipto ang kabataang itong may pag-ibig at takot sa Diyos. Naging napakalinaw nito na anupa't si Potipar, na kanyang pinaglingkuran, ay ibinilang ang lahat ng pagpapala sa kanyang biniling alipin, at itinuring siyang anak sa halip na utusan. Layunin ng Diyos na ang mga umiibig at kumikilala sa Kanyang pangalan ay kikilalanin din naman, at ang kaluwalhatiang ibinibigay sa Diyos sa pamamagitan nila ay masasalamin din sa kanilang sarili. TKK 261.4
Hindi nagbago ang karakter ni Jose nang siya'y iangat sa mataas na posisyon. Inilagay siya kung saan ang kanyang kabutihan ay magliliwanag nang malinaw sa mabubuting gawa. Ang pagpapala ng Diyos ay sumakanya sa tahanan maging sa bukirin. Iniatang sa kanya ang lahat ng responsibilidad sa tahanan ni Potipar. At sa lahat ng ito, nagpakita siya ng matibay na integridad; sapagkat iniibig at kinatatakutan niya ang Diyos.— THE YOUTH’S INSTRUCTOR, Mareh 11,1897 . TKK 261.5