Lumaki si Samuel at ang PANGINOON ay kasama niya, at hindi pinahintulutang ang alinman sa kanyang mga salita ay malaglag sa lupa, Nalaman ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag bilang isang propeta ng PANGINOON, 1 Samuel 3:19,20, TKK 266.1
Noong mga taon pasimula nang ang Panginoon ay unang magpahayag ng Kanyang sarili sa anak ni Ana, ang pagkatawag kay Samuel sa pagkapropeta ay kinilala sa buong bansa. Sa pamamagitan ng matapat na pagdadala ng babala ng Diyos sa tahanan ni Eli, bagamat masakit at mahirap ang tungkulin, nagbigay si Samuel ng patunay ng katapatan niya bilang mensahero ni Jehova; “at ang PANGINOON ay kasama niya, at hindi pinahintulutang ang alinman sa kanyang mga salita ay malaglag sa lupa. Nalaman ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag bilang isang propeta ng PANGINOON.” TKK 266.2
Ang Israel bilang bansa ay nagpatuloy sa kawalang relihiyon at idolatriya, at bilang parusa ay nanatili sila sa pagkasakop ng mga Filisteo. Nang mga panahong ito ay binisita ni Samuel ang mga siyudad at mga nayon sa buong lupain, na nagsisikap na mapabalik sa Diyos ng kanilang mga magulang ang puso ng mga tao; at hindi nawalan ng mabuting resulta ang kanyang mga pagsisikap. Matapos magdusa sa pang-aapi ng kanilang mga kaaway sa loob ng dalawampung taon, ang mga Israelita ay “tumaghoy sa PANGiNooN.” Pinayuhan sila ni Samuel, “Kung kayo'y nanunumbalik sa PANGiNooN nang inyong buong puso ay inyo ngang alisin ang ibang mga diyos at ang mga Astarot na nasa inyo. Ituon ninyo ang inyong mga puso sa PANGiNooN, at sa kanya lamang kayo maglingkod” (1 Samuel 7:3). TKK 266.3
Makikita natin dito na ang praktikal na kabanalan, relihiyon ng puso, ay itinuro nang mga araw ni Samuel kung paanong itinuro ni Jesus nang nasa sanlibutan Siya. Kung wala ang biyaya ni Cristo ang panlabas na anyo ng relihiyon ay walang halaga sa sinaunang Israel. Kapareho sila sa modernong Israel. TKK 266.4
May pangangailangan din ngayon ng gayong muling pagkabuhay ng tunay na pusong relihiyon kung paanong naranasan ng sinaunang Israel. Ang pagsisisi ang unang hakbang na dapat gawin ng lahat ng manunumbalik sa Diyos. Walang makagagawa ng gawaing ito para sa iba. Isa-isa tayong dapat magpakumbaba ng ating mga kaluluwa sa harapan ng Diyos at alisin ang ating mga idolo. Kapag nagawa na natin ang lahat ng dapat nating gawin, ipakikita sa atin ng Panginoon ang Kanyang pagliligtas.— PATRIARCHS AND PROPHETS, pp. 589, 590 . TKK 266.5