Ngayon, ito ang mga huling salita ni David: Ang mga sinabi ni David na anak ni Jesse, ang sinabi ng lalaking inilagay sa itaas, ang hinirang ng Diyos ni Jacob, ang matamis na mang-aawit ng Israel: “Ang Espiritu ng PANGINOON ay nagsasalita sa pamamagitan ko, ang kanyang salita ay nasa aking dila” 2 Samuel 23:1,2, TKK 267.1
Sino ang makasusukat sa bunga ng mga taon ng pagpapagal at paglalagalag sa malungkot na mga burol? Ang pakikipag-ugnayan sa kalikasan at sa Diyos, ang pangangalaga sa kanyang mga kawan, ang mga panganib at ang mga pagkakaligtas, at mga kagalakan at kalungkutan, ng kanyang abang kalagayan, ay hindi lamang huhubog sa likas ni David at makaiimpluwensiya sa buhay niya sa hinaharap, kundi sa pamamagitan ng mga awit ng matamis na mang-aawit ang mga iyon ay sa lahat ng darating na mga kapanahunan ay pupukaw ng pag-ibig at pananampalataya sa puso ng bayan ng Diyos, na inilalapit sila sa patuloy na nagmamahal na puso Niya na sa Kanya ang lahat ng Kanyang mga nilikha ay nabubuhay. TKK 267.2
Si David, sa ganda at lakas ng kanyang pagkabinata, ay naghahanda upang humawak ng isang mataas na tungkulin na kabilang sa pinakamarangal sa lupa. Ang kanyang mga talento, bilang mahahalagang mga kaloob mula sa Diyos, ay ginamit upang papurihan ang kaluwalhatian ng banal na tagapagbigay. Ang kanyang mga pagkakataon upang magmuni-muni at manalangin ay nagsilbi upang palaguin siya sa karunungan at kabanalan kung kaya't siya'y naging kaibig-ibig sa Diyos at sa mga anghel. Samantalang kanyang minumuni-muni ang mga kasakdalan ng kanyang Manlalalang, higit na malinaw na mga pananaw sa Diyos ang nabuksan sa kanyang kaluluwa. Naliwanagan ang hindi malinaw na mga paksa, naging payak ang mga suliranin, naiwasto ang mga kaguluhan, at bawat sinag ng bagong liwanag ay nanawagan sa sariwang pagbulwak ng masidhing kagalakan, at higit na matamis na mga awit ng pagsamba, para sa ikaluluwalhati ng Diyos at ng Manunubos. TKK 267.3
Ang pag-ibig na kumilos sa kanya, ang mga kalungkutang nakapalibot sa kanya, ang mga pagtatagumpay na sumasapit sa kanya, lahat ay naging mga paksa ng aktibong pag-iisip; at samantalang minamasdan niya ang pagibig ng Diyos sa lahat ng habag at tulong ng Diyos sa kanyang buhay, ang kanyang puso ay tumibok na may higit na maalab na pagsamba at pagpapasalamat, ang kanyang tinig ay pumailanglang sa isang higit na mayamang himig, ang kanyang alpa ay tinangay ng may higit na masayang kagalakan; at ang batang pastol ay lumakas ng lumakas, at dumunong ng dumunong; sapagkat sumasakanya ang Espiritu ng Panginoon.— PATRIARCHS AND pROPHETS, p. 642 . TKK 267.4