“Ang magtagumpay ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, gaya ko naman na nagtagumpay at umupong kasama ng aking Ama sa kanyang trono,” Apoealipsis 3:21 TKK 375.1
Maaari tayong magtagumpay. Oo; lubusan, buong-buo. Namatay si Cristo para gumawa ng daan ng pagtakas para sa atin, upang mapagtagumpayan natin ang bawat kahinaan, labanan ang bawat tukso, at sa huli ay umupong kasama Niya sa Kanyang trono. TKK 375.2
Isang pribilehiyo para sa atin ang magkaroon ng pananampalataya at kaligtasan. Ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi nabawasan. Malaya itong ibibigay ngayon gaya ng dati; ngunit nawala na sa iglesya ang pananampalatayang umangkin, ang lakas para makipagbuno, gaya ni Jacob, na umiyak nang, “Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan mo” (Genesis 32:26). Naghihingalo ang matatag na pananampalataya. Dapat itong muling buhayin sa mga puso ng bayan ng Diyos. Dapat nilang angkinin ang pagpapala. Ang pananampalataya, buhay na pananampalataya, ay laging nag-aakay paakyat sa Diyos at kaluwalhatian; ang pag-aalinlangan, pababa sa kadiliman at kamatayan. TKK 375.3
Marami ang abala sa makamundong alalahanin at suliranin kaya kaunti na lamang ang panahon nila para manalangin, at ang interes nila sa pananalangin. Maaari nilang gawin ang porma ng pagsamba, ngunit kulang naman sa espiritu ng tunay na pagsamo. Ang mga ganito ay malayong malayo na sa Huwaran. Si Jesus na ating halimbawa ay madalas na nananalangin; at o, gaano kataimtim, gaano kaalab ang Kanyang mga pagsamo! Kung Siya, na minamahal na Anak ng Diyos, ay nakilos sa gayong kasigasigan, sa gayong paghihirap, para sa atin, gaano pa kaya katindi ang pangangailangan natin, na nakadepende sa Langit para sa lahat ng ating lakas, na makipagpunyagi sa Diyos nang buong kaluluwa. TKK 375.4
Hindi tayo dapat masiyahan hangga't hindi natin naipapahayag ang lahat ng mga kasalanang batid natin, at pagkatapos, isang pribilehiyo at tungkulin naman natin ang maniwalang tinanggap tayo ng Diyos. Hindi natin dapat hintayin ang ibang suungin ang kadiliman at kamtin ang tagumpay para ating tamasahin. Hindi magtatagal ang gayong pagsasaya. Dapat paglingkuran ang Diyos ayon sa prinsipyo at hindi sa pakiramdam. Sa umaga at sa gabi, dapat nating kamtin ang tagumpay para sa ating sarili, sa ating sariling mga pamilya. Hindi dapat maging hadlang dito ang araw-araw nating pagtatrabaho. Dapat tayong maglaan ng oras sa pananalangin, at habang nananalangin tayo, maniwalang dinirinig tayo ng Diyos. Maaaring hindi natin maramdaman sa lahat ng pagkakataon ang mabilisang sagot, ngunit sa ganitong pagkakataon nasusubok ang pananampalataya. Sinusubok tayo para makita kung magtitiwala tayo sa Diyos, kung mayroon tayong buhay at nananatiling pananampalataya.— REVIEW AND HERALD, September 4,1883. TKK 375.5