Sapagkat kayo'y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos, Colosas 3:3, TKK 56.1
Si Jesus ang perpektong Huwaran. Imbes na sikaping bigyanglugod ang sarili at masunod ang gusto natin, sikapin nating maipakita ang Kanyang larawan. Siya'y mabait at magalang, mapagmahal at malumanay. Kagaya ba Niya tayo sa mga bagay na ito? Sinisikap ba nating pabanguhin ang ating buhay sa mabubuting gawa? Ang kailangan natin ay ang kasimplehan ni Cristo. Natatakot ako na sa maraming kalagayan, ang matigas at manhid na espiritu na talagang hindi gaya ng banal na Huwaran ang siyang kumontrol sa puso. Ang bakal na prinsipyong ito, na itinangi ng napakarami, at iniisip pa ngang mabuti, ay kailangang tanggalin lahat, para magawa nating mahalin ang isa't isa gaya ng pagmamahal ni Cristo sa atin. TKK 56.2
Hindi sapat na sinasabi lamang nating tayo'y may pananampalataya; kailangan ang higit pa sa naturingang pagtanggap lamang. Kailangang magkaroon ng tunay na kaalaman, isang totoong karanasan sa mga prinsipyo ng katotohanan kung paanong ito'y nakay Jesus. Dapat na gumawa ang Banal na Espiritu sa loob, na dinadala ang mga prinsipyong ito sa matinding liwanag ng malinaw na kamalayan, upang malaman natin ang kapangyarihan ng mga ito at gawin itong buhay na reyalidad. Kailangang sumunod ang isipan sa makaharing kautusan ng kalayaan, ang kautusang ikinikintal ng Espiritu ng Diyos sa puso, at nililinaw sa kaunawaan. Ang pagpapatalsik sa kasalanan ay dapat maging gawa ng kaluluwa mismo, sa paggamit sa pinakamararangal na kapangyarihan nito. Ang tanging kalayaan na matatamasa ng isang may- hangganang kalooban ay nasa pakikiayon sa kalooban ng Diyos, na sumusunod sa mga kondisyon na sa tao'y nagpapaging kabahagi ng banal na likas, yamang natakasan ang kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa.... TKK 56.3
Ang karakter ng tao ay buktot, pinapangit ng kasalanan, at lubhang hindi gaya ng unang tao nang siya'y lumabas sa mga kamay ng Lumikha. Nagmumungkahi si Jesus na kunin ang kasiraan at kasalanan ng tao, at kapalit nito'y bigyan siya ng kagandahan at kahusayan sa sarili nitong karakter. Sumasali Siya upang baguhin ang kaluluwa sa pamamagitan ng katotohanan. Hindi kayang gawin ng kamalian ang gawaing ito ng pagbabagong-buhay; kaya't kailangan nating magkaroon ng espiritwal na paningin upang makita ang pagkakaiba ng katotohanan at ng kasinungalingan, para hindi tayo mahulog sa bitag ng kaaway.— REVIEW AND HERALD, November 24,1885 . TKK 56.4