Subalit ngayong pinalaya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, na nagbubunga naman ng kabanalan, ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan. Roma 6:22. TKK 64.1
Gusto ng Diyos na maging mahusay ang pananampalataya ng Kanyang bayan—hindi ignorante sa dakilang kaligtasan na napakasaganang ibinigay sa kanila. Hindi sila dapat tumingin sa hinaharap, na iniisip na sa darating na panahon ay may mangyayaring isang malaking gawain para sa kanila; sapagkat ngayo'y tapos na ang gawain. Ang mananampalataya ay hindi tinatawagang makipagpayapaan sa Diyos; hindi niya ito nagawa kailanman at hindi niya ito kayang gawin. Dapat niyang tanggapin si Cristo bilang kapayapaan niya, sapagkat nakay Cristo ang Diyos at ang kapayapaan. TKK 64.2
Winakasan ni Cristo ang kasalanan, dinala ang mabigat nitong sumpa sa sarili Niyang katawan sa puno, at inalis Niya ang sumpa sa lahat ng sumasampalataya sa Kanya bilang personal na Tagapagligtas. Winakasan Niya ang kumukontrol na kapangyarihan ng kasalanan sa puso, at ang buhay at karakter ng mananampalataya ay nagpapatotoo sa tunay na katangian ng biyaya ni Cristo. TKK 64.3
Sa mga humihingi sa Kanya, ibinibigay ni Jesus ang Banal na Espiritu; sapagkat kinakailangang mailigtas ang bawat mananampalataya sa karumihan, ganon din sa sumpa at kahatulan ng kautusan. Sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu, ng pagpapabanal ng katotohanan, naiaangkop ang mananampalataya para sa mga bulwagan ng kalangitan; sapagkat gumagawa si Cristo sa loob natin, at ang Kanyang katuwiran ay nasa atin. Kung wala ito, walang kaluluwang magkakaroon ng karapatan sa langit. Hindi tayo magiging masaya sa langit malibang naging karapat-dapat tayo sa banal na kapaligiran nito sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu at ng katuwiran ni Cristo. TKK 64.4
Para maging mga kandidato sa langit, kailangan nating masunod ang hinihingi ng kautusan: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag- iisip mo, at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Lueas 10:27). Magagawa lamang natin ito habang pinanghahawakan natin sa pananampalataya ang katuwiran ni Cristo. Sa pagtingin kay Jesus ay natatanggap natin ang isang buhay at lumalawak na prinsipyo sa puso, at ipinagpapatuloy ng Banal na Espiritu ang gawain, at sumusulong ang mananampalataya mula sa biyaya hanggang sa biyaya, mula sa kalakasan hanggang sa kalakasan, mula sa karakter hanggang sa karakter. Nagiging kaayon siya ng larawan ni Cristo, hanggang sa pamamagitan ng espiritwal na paglago ay naaabot niya ang sukat ng ganap na kapuspusan kay Cristo Jesus. Ganyan winawakasan ni Cristo ang sumpa ng kasalanan, at pinalalaya ang sumasampalatayang kaluluwa mula sa pagkilos at epekto nito.— SELECTED MESSAGES, vol. 1, pp. 394, 395 . TKK 64.5