Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos, At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus, Filipos 4:6, 7, TKK 72.1
Sinikap ng Manunubos ng sanlibutan na dalhin sa mga puso ng nalulungkot na mga alagad ang pinakamatinding kaaliwan. Pero mula sa malawak na larangan ng mga paksa, pinili Niya ang tema ng Banal na Espiritu, na magpapasigla at aaliw sa kanilang mga puso. Gayunman, kahit na pinahalagahan ni Cristo ang temang ito tungkol sa Banal na Espiritu, gaano kadalang itong tinatalakay sa mga iglesya! Ang pangalan at presensiya ng Banal na Espiritu ay halos hindi pinapansin, ngunit ang banal na impluwensya ay mahalaga sa gawain ng pagpapasakdal sa Kristiyanong karakter. TKK 72.2
May mga walang kapayapaan, walang kapahingahan; sila'y nasa kalagayan ng palagiang pagkabalisa, at binabayaang maghari ang bugso at simbuyo ng damdamin sa kanilang mga puso. Hindi nila alam kung anong ibig sabihin ng maranasan ang kapayapaan at kapahingahan kay Cristo. Sila'y katulad ng barkong walang angkla, na tinatangay ng hangin at pinapadpad. Pero yung mga kontrolado ng Banal na Espiritu ang mga isipan ay lumalakad sa kapakumbabaan at kaamuan; sapagkat gumagawa sila sa mga direksyon ni Cristo, at iingatan sa ganap na kapayapaan (Isaias 26:3), samantalang yung mga hindi kontrolado ng Banal na Espiritu ay kagaya ng maalong karagatan. TKK 72.3
Binigyan tayo ng Panginoon ng banal na gabay na sa pamamagitan nito'y malalaman natin ang Kanyang kalooban. Silang nakasentro sa sarili at nagtitiwala sa sarili ay hindi nakadarama ng kanilang pangangailangang saliksikin ang Biblia, at lubhang nababahala kapag ang iba'y walang ganon ding depektibong mga ideya, at hindi tumitingin gamit ang ganon ding baluktot na pananaw nila. Pero siyang ginagabayan ng Banal na Espiritu ay inihagis ang kanyang angkla sa kabila ng tabing kung saan pumasok si Jesus para sa atin (Hebreo 6:19, 20). Sinasaliksik niya ang Kasulatan nang may sabik na pagsisikap, at naghahangad na magabayan siya ng liwanag at karunungan sa gitna ng mga kalituhan at panganib na nakapalibot sa bawat hakbang ng kanyang landas. Yung mga balisa, nagrereklamo, at bubulung-bulong ay binabasa ang Biblia para sa layuning bigyang-katwiran ang sarili nilang landas, at kanilang binabale-wala o binabaluktot ang mga payo ng Diyos. Siyang may kapayapaan ay inilagay ang kanyang kalooban sa panig ng kalooban ng Diyos, at nasasabik na sundin ang paggabay ng Diyos.— SIGNS of THE TIMES, August 14,1893 . TKK 72.4