Binubuka niya ang kanyang bibig na may karunungan; at nasa kanyang dila ang aral ng kabaitan, Kawikaan 31:26, TKK 80.1
Tutulungan ng Panginoon ang bawat isa sa atin kung saan natin pinakakailangan ng tulong sa malaking gawain ng pananagumpay at paggapi sa sarili. Mapasainyong mga labi ang batas ng kabaitan at sa inyong mga puso ang langis ng biyaya. Magbubunga ito ng mga magagandang resulta. Kayo'y magiging mabait, maawain, at magalang. Kailangan ninyo ang lahat ng biyayang ito. Kailangang tanggapin ang Banal na Espiritu at madala sa inyong karakter; kung gayo'y magiging katulad ito ng banal na apoy, na nagbibigay ng insensong papailanglang sa Diyos, hindi mula sa mga labing mapanumpa, kundi bilang tagagamot ng mga kaluluwa ng tao. Ipapakita ng inyong mukha ang larawan ng Diyos. TKK 80.2
Walang masasakit, kritikal, padalus-dalos, o mababagsik na salita ang dapat bigkasin. Ito'y pangkaraniwang apoy, at dapat huwag isama sa lahat nating kapulungan at pakikipag-usap sa ating mga kapatiran. Hinihingi ng Diyos sa bawat kaluluwang naglilingkod sa Kanya na sindihan ang mga insenaryo nila mula sa mga baga ng sagradong apoy. Ang mga pangkaraniwan, malulupit, at mararahas na salita na napakadaling lumalabas sa inyong mga labi ay dapat pigilan, at dapat magsalita ang Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng instrumentong tao. Sa pamamagitan ng pagtingin sa karakter ni Cristo, mababago ka sa Kanyang larawan. Ang biyaya lamang ni Cristo ang makapagbabago sa puso ninyo at sa gayo'y ipapakita ninyo ang larawan ng Panginoong Jesus. Tinatawagan tayo ng Diyos na maging kagaya Niya—malinis, banal, at walang-dungis. Dapat nating taglayin ang larawan ng Diyos.— THE SDA BIBLE COMMENTARY, vol. 3, p. 1164, ELLEN G. WHITE COMMENTS. TKK 80.3
Puwede tayong magsalita tungkol sa mga pagpapala ng Banal na Espiritu, at manalangin tungkol sa pagtanggap ng mga ito; ngunit malibang trabahuin ng Espiritu ng Diyos ang instrumentong tao, ipakikita Niya na wala sa kanya ang Diyos. Kapag hinuhulma at hinuhubog ng Espiritu ang karakter ayon sa banal na larawan, walang-salang mahahayag Siya sa bawat salitang binibigkas natin at sa lahat nating ginagawa, na ipinapakita sa sanlibutan na may malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga anak ng liwanag at ng mga anak ng kadiliman. TKK 80.4
Gusto ng Diyos na tumayo tayong matatag para sa pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal (Judas 1:3). Kailangan nating sabihin ang katotohanan nang may pagmamahal. Sabi ng dakila nating Guro, “Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at matuto kayo sa Akin; sapagkat Ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. Sapagkat madaling dalhin ang Aking pamatok at magaan ang Aking pasan” (Mateo 11:29, 30).— LETTER 84,1899 . TKK 80.5