Ngunit ipinasya ni Daniel na hindi niya durungisan ang sarili sa pamamagitan ng bahagi ng pagkaing mula sa hari o ng alak man na kanyang iniinom, Kaya’t kanyang hiniling sa pinuno ng mga eunuko na pahintulutan siyang huwag dungisan ang kanyang sarili, Daniel 1:8, TKK 79.1
Ang leksyong inilalahad dito ay magandang mapag-isipan natin. Magiging pagpapala parehong sa katawan at sa kaluluwa ang mahigpit na pagsunod sa mga ipinagagawa ng Biblia. Ang bunga ng Espiritu ay hindi lamang pag-ibig, katuwaan, at kapayapaan, kundi pagpipigil din sa sarili. Inuutusan tayong huwag dumihan ang ating mga katawan; sapagkat ito'y temple ng Banal na Espiritu. TKK 79.2
Ang mga Hebreong bihag ay mga taong may likas na gaya rin ng sa atin. Sa gitna ng mga mapang-akit na impluwensya ng mararangyang bulwagan sa Babilonia, sila'y matibay na nanindigan. Ang mga kabataan ngayon ay napapalibutan ng mga pang-engganyo sa pagpapalayaw sa sarili. Lalo na sa malalaking lunsod natin, ginagawang madali at kaakit-akit ang bawat anyo ng pagpapalayaw sa laman. Silang tumatangging dumihan ang kanilang sarili, kagaya ni Daniel, ay aani ng gantimpala ng mapagtimping mga ugali. Sa mas matindi nilang pisikal na kalakasan at higit na kapangyarihang makatagal, meron silang naipong deposito na mapagkukunan sa panahon ng pangangailangan. TKK 79.3
Ang mga tamang pisikal na kagawian ay nagtataguyod ng higit na kagalingan ng isipan. Ang kapangyarihan ng isipan, pisikal na katatagan, at haba ng buhay ay nakasalalay sa mga di-mababagong batas. Ang Diyos ng kalikasan ay hindi makikialam para ingatan ang mga tao sa mga kahihinatnan ng paglabag sa mga inuutos ng kalikasan. Siyang nagsusumikap para sa kadalubhasaan ay kailangang maging mapagtimpi sa lahat ng bagay (1 Corinto 9:25). Sa malaking bahagi, ang linaw ng pag-iisip at katatagan ng layunin ni Daniel, ang kapangyarihan niya sa pagkamit ng karunungan at sa paglaban sa tukso, ay dahil sa kasimplehan ng kanyang mga kinakain, kaugnay ng kanyang buhay-pananalangin . . . . . TKK 79.4
Itinala ang kasaysayan ni Daniel at ng mga kasamahan niyang kabataan sa mga pahina ng Kinasihang Salita para sa kapakinabangan ng mga kabataan sa lahat ng susunod na kapanahunan. Sa pamamagitan ng tala ng kanilang katapatan sa mga prinsipyo ng pagtitimpi, nagsasalita ang Diyos ngayon sa mga kabataang lalaki at babae, sinasabihan silang tipunin ang mahahalagang sinag ng liwanag na ibinigay Niya sa paksa ng Kristiyanong pagtitimpi, at ilagay ang kanilang sarili sa tamang kaugnayan sa mga batas ng kalusugan.— THE YOUTH’S INSTRUCTOR, June 9,1903. TKK 79.5