Tulad ng mga masunuring anak, huwag kayong gumaya sa masasamang pagnanasa ng inyong kamangmangan noong una, Sa halip, yamang banal ang sa inyo'y tumawag, maging banal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay, 1 Pedro 1:14,15, TKK 92.1
Ano ang hinihingi ng Diyos? Kasakdalan, wala nang ibang kapos sa kasakdalan. Pero kung gusto nating maging sakdal, hindi tayo dapat na maglagak ng tiwala sa sarili. Araw-araw ay dapat nating malaman at maunawaan na hindi dapat pagtiwalaan ang sarili. Kailangan nating panghawakan ang mga pangako ng Diyos nang may matibay na pananampalataya. Kailangan nating hingin ang Banal na Espiritu nang may buong pagkaunawa sa sarili nating kawalang-kakayahan. At kung gumawa ang Banal na Espiritu, hindi natin ibibigay ang kaluwalhatian sa sarili. Mabiyayang kukunin ng Banal na Espiritu ang puso sa Kanyang pag-iingat, na dinadala rito ang lahat ng maliliwanag na sinag ng Araw ng Katuwiran. Iingatan tayo ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. TKK 92.2
Kapag araw-araw tayong nasa ilalim ng kontrol ng Espiritu ng Diyos, tayo'y magiging bayang sumusunod sa mga utos. Puwede nating maipakita sa sanlibutan na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay nagdadala ng sarili nitong gantimpala, maging sa buhay na ito, at sa buhay na hinaharap naman ay walang-hanggang pagpapala. Anuman ang sinasabi nating pananampalataya, ang nakikita lamang ng Panginoon, na Siyang tumitimbang sa lahat nating mga gawa, ay di-perpektong paglalarawan kay Cristo. Sinabi na Niya na ang ganyang kalagayan ay hindi makapagbibigay ng kaluwalhatian sa Kanya. TKK 92.3
Malaki ang kahalagahan ng pagkakatiwala ng pag-iingat ng kaluluwa sa Diyos. Nangangahulugan ito na dapat tayong mabuhay at lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya, na hindi nagtitiwala o niluluwalhati ang sarili, kundi nakatingin kay Jesus na ating Tagapamagitan bilang May-akda at Tagatapos ng ating pananampalataya. Gagawin ng Banal na Espiritu ang gawain nito sa pusong nagsisisi, pero hindi ito makakikilos sa isang kaluluwang pa-importante at mapagmatuwid sa sarili. Aayusin ng ganyang tao ang kanyang sarili sa sarili niyang karunungan. Humaharang siya sa pagitan ng kanyang kaluluwa at ng Banal na Espiritu. Gagawa ang Banal na Espiritu kung hindi nakaharang ang sarili. TKK 92.4
Saan tayo umaasa? Nasaan ang ating tulong? Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos: “Subalit ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa Aking pangalan, Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng Aking sinabi sa inyo” (Juan 14:26). Handang makipagtulungan ang Banal na Espiritu sa lahat ng tatanggap sa Kanya at magpapaturo sa Kanya. Lahat ng nanghahawak sa katotohanan at pinapabanal sa katotohanan ay lubhang kaisa ni Cristo anupa't kaya nila Siyang katawanin sa salita at kilos.— MANUSCRIPT RELEASES, vol. 12, pp. 52, 53 . TKK 92.5