At muling sinabi niya, “Sa ano ko ihahambing ang kaharian ng Diyos? Ito ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nahaluang lahat ng pampaalsa,” Lueas 13:20, 21, TKK 16.1
Inilalarawan ng talinghagang ito ang nanunuot at lumalakip na kapangyarihan ng ebanghelyo, na huhubog sa iglesya ayon sa banal na larawan sa pamamagitan ng paggawa sa mga puso ng bawat kaanib. Kung paanong kumikilos ang pampaalsa sa harina, ganon din kumikilos ang Banal na Espiritu sa puso ng tao, hinihigop ang lahat ng kakayahan at kapangyarihan nito, at iniaayon ang kaluluwa, katawan, at espiritu kay Cristo. TKK 16.2
Sa talinghaga, inilagay ng babae ang pampaalsa sa harina. Kailangan ito upang punan ang isang pangangailangan. Sa pamamagitan nito'y itinuturo ng Diyos sa atin na sa sarili nito, hindi taglay ng tao ang mga angking katangian ng kaligtasan. Hindi niya kayang baguhin ang kanyang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang kalooban. Kailangang tanggapin ang katotohanan sa puso. Ganyan gumagawa ang banal na pampaalsa. Sa pamamagitan ng kapangyarihan nitong bumabago at nagbibigay-buhay, gumagawa ito ng pagbabago sa puso. Nagigising ang mga bagong kaisipan, bagong damdamin, at mga bagong layunin. Nababago ang pag-iisip at napapagana ang mga kakayahan. Hindi binibigyan ang tao ng mga bagong kakayahan, kundi pinababanal ang mga dati nang kakayahan. Ang konsensya na dati'y patay ay napupukaw. Pero hindi magagawa ng tao sa kanyang sarili ang pagbabagong ito. Tanging Banal na Espiritu lamang ang makagagawa nito. Ang lahat ng gustong maligtas, mataas man o mababa, mayaman o mahirap man, ay kailangang magpasakop sa paggawa ng kapangyarihang ito. TKK 16.3
Ang katotohanang ito ay inilalahad sa mga sinabi ni Cristo kay Nieodemo: “Katotohanang sinasabi Ko sa iyo, ‘Malibang ang isang tao'y ipanganak na muli ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.'... Ang ipinanganak ng laman ay laman nga at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka na Aking sinabi sa iyo, ‘Kailangang kayo'y ipanganak na muli.’ Humihihip ang hangin kung saan nito ibig at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo nalalaman kung saan ito nanggagaling at kung saan tutungo. Ganon ang bawat isang ipinapanganak ng Espiritu” (Juan 3:3-8). TKK 16.4
Kapag kinukontrol ng Banal na Espiritu ang ating mga pag-iisip, mauunawaan natin ang aral na itinuturo ng talinghaga ng pampaalsa. Makikita nung mga magbubukas ng kanilang puso para tanggapin ang katotohanan na ang Salita ng Diyos nga pala ang dakilang instrumento sa pagbabago ng karakter.— REVIEW AND HERALD, July 25,1899. TKK 16.5