“Subalit ang sinumang umiinom ng tubig na Aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na Aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan” Juan 4:14, TKK 17.1
Kung paanong nagsisimula at natatapos ang panukala ng pagtubos sa isang regalo, ganon din ito dapat isulong. Ang espiritu ring iyon ng pagsasakripisyo na bumili ng kaligtasan para sa atin ay tatahan sa mga puso ng lahat ng magiging kabahagi ng makalangit na regalo. Sabi ni Apostol Pedro: “Kung paanong ang bawat isa ay tumanggap ng kaloob, ipaglingkod din ito sa isa't isa bilang mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos” (1 Pedro 4:10). Sabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad habang isinusugo sila, “Pagalingin ninyo ang mga maysakit, buhayin ninyo ang mga patay, linisin ninyo ang mga ketongin, palayasin ninyo ang mga demonyo. Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad” (Mateo 10:8). Sa kanya na lubusang kaisa ng damdamin ni Cristo, hindi maaaring magkaroon ng anumang bagay na makasarili o pansarili lamang. Matutuklasan ng taong umiinom ng tubig ng buhay, na ito'y “magiging isang bukal ng tubig na bubukal sa buhay na walang hanggan” (Juan 4:14). Ang Espiritu ni Cristo sa loob niya ay gaya ng isang bukal na bumubukal sa ilang, na dumadaloy para pawiin ang uhaw ng lahat, at pinapasabik na uminom ng tubig ng buhay yung mga malapit nang mamatay. TKK 17.2
lyon ding espiritu ng pag-ibig at pagsasakripisyong nanahan kay Cristo ang nagtulak kay Pablo sa napakarami niyang pagpapagal. “Ako'y may pananagutan,” aniya, “sa mga Griyego at sa mga barbaro, sa marurunong at gayundin sa mga mangmang” (Roma 1:14). “Bagaman ako ang pinakahamak sa lahat ng mga banal, ang biyayang ito ay ibinigay sa akin upang ipangaral sa mga Hentil ang di-masukat na mga kayamanan ni Cristo” (Efeso 3:8). TKK 17.3
Plano ng ating Panginoon na maipakita ng Kanyang iglesya sa sanlibutan ang kapuspusan at kasapatang natatagpuan natin sa Kanya. Patuloy tayong tumatanggap mula sa kasaganaan ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagbabahagi rin nito ay dapat nating ipakita sa sanlibutan ang pag-ibig at kabutihang-loob ni Cristo. Habang abalang-abala ang buong kalangitan, na nagsusugo ng mga mensahero sa lahat ng bahagi ng lupa para isulong ang gawain ng pagtubos, ang iglesya ng Diyos na buhay ay dapat ding maging kamanggagawa ni Jesu- Cristo. Mga sangkap tayo ng Kanyang espiritwal na katawan. Siya ang Ulo na kumukontrol sa lahat ng bahagi ng katawan. Si Jesus mismo, sa walang- hanggan Niyang kaawaan ay gumagawa sa puso ng mga tao, na nagdudulot ng mga espiritwal na pagbabagong lubhang kahanga-hanga anupa't tinitingnan ito ng mga anghel nang may pagkamangha at kasiyahan.— REVIEW AND HERALD, December 24,1908. TKK 17.4