“At ang iyong mga pandinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, ‘Ito ang daan, lakaran ninyo,’ kapag kayo'y pumipihit sa kanan, at kapag kayo'y pumipihit sa kaliwa,” Isaias 30:21. TKK 123.1
Sa gitna ng kalituhang dulot ng mapandayang mga doktrina, magiging gabay at kalasag ang Espiritu ng Diyos sa mga hindi lumalaban sa mga patunay ng katotohanan. Pinatatahimik Niya ang lahat ng tinig maliban sa nagmumula sa Kanya, ang katotohanan at buhay. Binibigyan ng Diyos ang bawat kaluluwang pagkakataong marinig ang tinig ng Tunay na Pastol, upang tumanggap ng karunungan ng Diyos at ng ating Tagapagligtas. Kapag tinatanggap ng puso ang katotohanang ito bilang mahalagang yaman, nabubuo si Cristo sa loob, ang pag-asa ng kaluwalhatian, samantalang bumubulalas ang buong sansinukob, Amen at amen! Ganap nating kailangan ang nagpapanibagong kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Wala na tayong panahong sumangguni pa sa laman at dugo. TKK 123.2
Kailangan natin ng banal na pagliliwanag. Nagsusumikap ang lahat na maging sentro ng impluwensiya; at hangga't hindi kumikilos ang Diyos para sa Kanyang bayan, hindi nila makikitang ang pagpapasakop sa Diyos ang tanging kaligtasan ninuman. Hahantong sa pagkakaisang hindi pa nakakamit ang Kanyang biyayang nakapagbabago; sapagkat lahat ng nasasama kay Cristo ay magiging kasundo ng isa't isa. Lalalangin ng Banal na Espiritu ang pagkakaisa. TKK 123.3
“Luluwalhatiin Niya Ako” (Juan 16:14). “At ito ang buhay na walang hanggan, na Ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo” (Juan 17:3). Niluluwalhati ng Banal na Espiritu ang Diyos sa pamamagitan ng paglalahad ng Kanyang karakter sa Kanyang bayan upang Siya ang maging layon ng pinakamatindi nilang pag-ibig, at sa pagpapakilala ng Kanyang karakter. TKK 123.4
Malinaw nilang nakikitang hindi kailanman nagkaroon ng katuwiran sa sanlibutan maliban ng sa Kanya, walang kagalingan sa sanlibutan kundi iyong nagmula sa Kanya. Nang ibuhos ang Espiritu mula sa kaitaasan, bumaha ang liwanag sa iglesya, ngunit si Cristo ang pinagmulan ng liwanag na iyon; nasa bawat dila ang Kanyang pangalan, ang Kanyang pag-ibig sa bawat puso. Magiging gayon din kapag niliwanagan ng Kanyang kaluwalhatian ang buong lupa ng anghel na bumababa mula sa langit nang may dakilang kapangyarihan.... TKK 123.5
Ang kaloob ng Kanyang Banal na Espiritu, na mayaman, ganap, at masagana, ay isang nakapalibot na haliging apoy sa Kanyang iglesya, at hindi makapananaig dito ang mga kapangyarihan ng impiyerno. Sa kanilang walang dungis na kadalisayan at walang bahid na kasakdalan, tumitingin si Cristo sa Kanyang bayan bilang gantimpala ng lahat ng Kanyang paghihirap, pagpapakumbaba, at pag-ibig, at dagdag sa Kanyang kaluwalhatian—si Cristo na dakilang sentro na pinagmumulan ng lahat ng kaluwalhatian.— THE HOMEMISSIONARY, November 1,1893 . TKK 123.6