Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin Mo, at igagalang ang mga daan Mo, Ako'y magagalak sa lyong mga tuntunin; hindi ko kalilimutan ang lyong salita, Awit 119:15,16, TKK 122.1
Sa Kanyang Salita, ibinigay ng Diyos sa mga tao ang kaalamang kinakailangan para sa kaligtasan. Dapat na tanggapin ang Banal na Kasulatan bilang dapat na paniwalaan at hindi nagkakamaling pahayag ng Kanyang kalooban. Ang mga ito'y pamantayan ng karakter, tagapagpahayag ng doktrina, at subukan ng karanasan. “Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, nasasangkapang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti” (2 Timoteo 3:16, 17). TKK 122.2
Ngunit ang katotohanang inihayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang salita ay hindi naging dahilan upang hindi na kailanganin ang patuloy na presensiya at paggabay ng Banal na Espiritu. Kasalungat dito, ipinangako ang Espiritu ng ating Tagapagligtas, upang buksan ang Salita sa Kanyang mga lingkod, upang liwanagan at iangkop ang mga turo nito. At dahil ang Espiritu ng Diyos ang kumasi sa Biblia, imposibleng maging kasalungat ang turo ng Espiritu sa Salita. TKK 122.3
Hindi ibinigay ang Espiritu—ni maibibigay man ito—upang pangunahan ang Biblia; sapagkat hayag na sinasabi ng Kasulatan na ang Salita ng Diyos ang pamantayan na sa pamamagitan nito'y susubukin ang lahat ng turo at karanasan. Sinasabi ni Apostol Juan, “Huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Diyos, sapagkat maraming lumitaw na mga bulaang propeta sa sanlibutan” (1 Juan 4:1). At isinasaad ni Isaias, “Sa kautusan at sa patotoo! Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang wala silang umaga” (Isaias 8:20). TKK 122.4
Napakalaking panunuligsa ang nabigay sa gawain ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mga kamalian ng isang grupo ng mga tao, na habang nag- aangkin sa pagliliwanag ng Espiritu ay sinasabing hindi na nila kailangan ang gabay mula sa Salita ng Diyos. Pinangingibabawan sila ng impresyon na kinikilala nilang tinig ng Diyos sa kaluluwa. Ngunit ang espiritung kumukontrol sa kanila ay hindi Espiritu ng Diyos. Ang pagsunod na ito sa mga impresyon, samantalang pinababayaan ang Kasulatan, ay hahantong lamang sa kalituhan, sa pagkalinlang at pagkapahamak. Pinapasulong lamang nito ang mga panukala ng masama. TKK 122.5
Dahil napakahalaga ng ministeryo ng Banal na Espiritu sa iglesya ni Cristo, isa sa mga pakana ni Satanas, sa pamamagitan ng mga kamalian ng mga ekstremista at panatiko, na maghasik ng paghamak sa gawain ng Espiritu at udyukan ang bayan ng Diyos na kaligtaan ang pinagmumulan na ito ng kalakasan na ang Panginoon mismo ang naglaan.— THE GREAT CONTROVERSY, p. vii . TKK 122.6