Sa kanila'y may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. Gawa 2:3, 4. TKK 21.1
Kung sasaliksikin mo ang Kasulatan nang may maamo at natuturuang espiritu, susuklian sa mayamang sukat ang iyong mga pagsisikap. “Ngunit ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu” (1 Corinto 2:14). Dapat pag-aralan ang Biblia nang may panalangin. Kailangan tayong manalangin nang katulad ni David. “Buksan Mo ang aking mga mata upang makita ko, ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan Mo” (Awit 119:18). Walang maaaring magkaroon ng liwanag mula sa Salita ng Diyos nang hindi naliliwanagan ng Banal na Espiritu. Kung lalagay lamang tayo sa tamang katayuan sa harapan ng Diyos, magniningning ang Kanyang liwanag sa atin sa masasagana't malilinaw na sinag. TKK 21.2
Ito ang karanasan ng mga unang alagad. Sinasabi ng Kasulatan na “nang dumating ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nagkakatipon sa isang lugar. Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno nito ang buong bahay kung saan sila'y nakaupo. Sa kanila'y may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu” (Gawa 2:1-4). Gusto ng Diyos na bigyan tayo ng ganon ding pagpapala, kapag hinanap natin ito nang ganon din kasikap. TKK 21.3
Hindi isinara ng Diyos ang imbakan ng kalangitan pagkatapos na ibuhos ang Kanyang Espiritu sa mga unang alagad. Puwede rin nating matanggap ang kabuuan ng Kanyang pagpapala. Ang kalangitan ay puno ng kayamanan ng Kanyang biyaya, at maaaring angkinin nilang lumalapit sa Diyos sa pananampalataya ang lahat Niyang ipinangako. Kung wala sa atin ang Kanyang kapangyarihan, ito'y dahil sa katamlayang espiritwal natin, sa pagpapabaya natin, sa katamaran natin. Lumabas tayo sa pormalidad at pagiging patay na ito. TKK 21.4
May malaking gawain na kailangang tapusin para sa panahong ito, at bahagya na nating makita kung ano ang gustong gawin ng Panginoon para sa Kanyang bayan. Nagsasalita tayo tungkol sa mensahe ng unang anghel at ng ikalawang anghel, at iniisip natin na mayroon tayong konting pagkaunawa sa mensahe ng ikatlong anghel; ngunit hindi dapat tayo nasisiyahan sa alam na natin sa kasalukuyan. Kahalo ang pananampalataya at pagsisisi, dapat pumailanglang sa Diyos ang ating mga kahilingan, para sa kaunawaan ng mga hiwagang gustong ihayag ng Diyos sa Kanyang mga banal.— REVIEW AND HERALD, June 4,1889. TKK 21.5