At kung aking sasabihin, “Hindi ko na Siya babanggitin, o magsasalita pa sa Kanyang pangalan” waring sa aking puso ay may nag-aalab na apoy na nakakulong sa aking mga buto, at ako'y pagod na sa kapipigil dito, at hindi ko makaya. Jeremias 20:9, TKK 20.1
Kikilos ang Diyos sa mga taong nasa mabababang kalagayan upang ipahayag ang mensahe ng katotohanan para sa kasalukuyan. Marami sa mga ito ang makikitang nagmamadali nang paroo't parito, na inuudyukan ng Espiritu ng Diyos na magbigay ng liwanag sa mga nasa kadiliman. Ang katotohanan ay katulad ng isang apoy sa kanilang mga buto, na pinupuno sila ng nag-aalab na hangaring ibigay ang liwanag sa mga nakaupo sa kadiliman. Marami, maging mula sa mga hindi nakapag-aral, ang magpapahayag ng Salita ng Diyos. Ang mga bata'y uudyukan ng Banal na Espiritu na humayo upang ipangaral ang mensahe ng kalangitan. Ibubuhos ang Espiritu sa mga nagpapasakop sa Kanyang mga udyok. Isinasaisantabi ang mga pumipigil na panuntunan at maiingat na pagkilos na gawa ng tao, sasanib sila sa hukbo ng Panginoon. TKK 20.2
Sa hinaharap, ang mga lalaki mula sa karaniwang antas ng pamumuhay ay uudyukan ng Espiritu ng Panginoon na iwanan ang kanilang pangkaraniwang gawain upang humayo at ipahayag ang huling mensahe ng kaawaan. Sa pinakamabilis na paraan ay dapat silang maihanda para gumawa, upang maputungan ng tagumpay ang kanilang mga pagsisikap. Nakikipagtulungan sila sa mga makalangit na ahensya, sapagkat nakahanda silang magamit para sa paglilingkod sa Panginoon. Walang pinahihintulutang pigilan ang mga manggagawang ito. Dapat silang sabihan ng basbas habang sila'y humahayo upang isakatuparan ang dakilang komisyon. Walang mapanuyang pananalita ang dapat na banggitin sa kanila habang inihahasik nila ang binhi ng ebanghelyo sa mahihirap na lugar sa lupa. TKK 20.3
Ang pinakamagagandang bagay sa buhay—kasimplihan, katapatan, pagiging totoo, kadalisayan, walang-batik na karangalan—ay hindi mabibili o maipagbibili; ang mga ito'y libre sa hindi nakapag-aral at sa nakapag-aral, sa taong maitim at sa taong maputi, sa simpleng magsasaka at gayundin sa hari na nasa kanyang trono. Ang mga mapagpakumbabang manggagawa na hindi nagtitiwala sa sarili nilang kalakasan, kundi gumagawa sa kasimplihan, na palaging nagtitiwala sa Diyos ay makikibahagi sa kagalakan ng Tagapagligtas. Magdadala ng mga kaluluwa sa krus ang matitiyaga nilang mga panalangin. Sa pakikipagtulungan sa mga mapagpasakit sa sarili nilang pagsisikap, kikilos si Jesus sa mga puso at gagawa ng mga himala para sa pagkahikayat ng mga kaluluwa. Matitipon ang mga lalaki't babae sa kapatiran ng iglesya. Maitatayo ang mga pulungan at maitatatag ang mga paaralan. Mapupuno ng kasiyahan ang mga puso ng mga manggagawa habang nakikita nila ang pagliligtas ng Diyos.— TESTIMONIES FOR THE CHURCH, vol. 7, pp. 26-28 . TKK 20.4