Ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami. Lucas 16:10. KDB 182.1
Kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya.” Binubuo ng maraming kaisipan ang hindi nasusulat na kasaysayan ng isang araw; at malaki ang kinalaman ng mga kaisipang ito sa paghubog ng karakter. Dapat na mahigpit na mabantayan ang ating mga kaisipan; dahil nagkakaroon ng malalim na impresyon sa kaluluwa ang isang kaisipang hindi dalisay. Nag-iiwan ng masamang marka sa pag-iisip ang isang masamang kaisipan. Kung dalisay at banal ang mga kaisipan, mapabubuti ang tao dahil sa pag-iingat sa mga ito. Napabibilis ang espirituwal na pulso, at nadaragdagan ang kapangyarihan sa paggawa ng mabuti. At kung paanong inihahanda ng isang patak ng ulan ang daan para sa isa pa sa pagbasa sa lupa, gayundin inihahanda ng isang mabuting kaisipan ang daan para sa isa pa. KDB 182.2
Ginagawa ang pinakamahabang paglalakbay sa pamamagitan ng paisa-isang paghakbang. Dinadala tayo ng sunod-sunod na hakbang sa dulo ng daan. Binubuo ng magkakahiwalay na kawing ang pinakamahabang tanikala. Kung mahina ang isa sa mga kawing, walang halaga ang tanikala. Gayundin sa karakter. Ang balanseng karakter ay nahuhubog sa pamamagitan ng paisa-isang mahusay na paggawa. Ginagawang hindi ganap ang isang tao ng isang kahinaan na iningatan imbes na mapanagumpayan, at isinasara sa kanya ang pintuan ng Banal na Lunsod. Siyang papasok sa langit ay kinakailangang magkaroon ng karakter na walang bahid o gusot o anumang bagay na katulad. Walang makapapasok doon na nakarurumi. Walang makikita ni isang kapintasan sa buong hukbo ng tinubos. KDB 182.3
Dalisay ang gawain ng Diyos sa kabuuan dahil dalisay ito sa bawat bahagi, gaano man kaliit. Hinuhugis Niya ang maliit na taluktok ng damo na may gayon ding pag-iingat tulad sa paglalang Niya sa isang sanlibutan. Kung nais nating maging ganap, . . . dapat tayong maging tapat sa paggawa ng maliliit na mga bagay.— Messages to Young People, pp. 144, 145. KDB 182.4