Ang PANGINOON ay aking liwanag at aking kaligtasan; sino ang aking katatakutan? Ang PANGINOON ay muog ng aking buhay; sino ang aking kasisindakan? Awit 27:1. KDB 183.1
Magkakaroon ng mga panahon ng labis na kagulumihanan at pagsubok sa kanilang relihiyosong buhay silang lubusang nagtagumpay; ngunit hindi nila dapat itakwil ang kanilang pagtitiwala, sapagkat ito'y bahagi ng kanilang disiplina sa paaralan ni Cristo, at kinakailangan ito upang maalis ang lahat ng karumihan. Dapat na magtiis na may katatagan ang lingkod ng Diyos sa mga paglusob ng kaaway, sa nakapipighating panunuya, at kailangang mapanagumpayan ang mga balakid na ilalagay ni Satanas sa kanyang daan. KDB 183.2
Sisikapin ni Satanas na sirain ang loob ng mga tagasunod ni Cristo, upang hindi sila manalangin o mag-aral ng Kasulatan, at kanyang ihahagis ang kanyang kasuklam-suklam na anino sa gitna ng landas upang maitago si Jesus sa paningin, upang paalisin ang pangitain ng Kanyang pag-ibig, at ang mga kaluwalhatian ng makalangit na mana. Kasiyahan niya na patuloy na pangyarihing nanliliit ang mga anak ng Diyos, nanginginig, at napipighati sa ilalim ng patuloy na pag-aalinlangan. Ninanais niyang gawing napakalungkot ang landas; ngunit kung patuloy kang titingin sa itaas, hindi pababa sa iyong mga paghihirap, hindi magtatagal at makikita mo si Jesus na iniaabot ang Kanyang kamay upang tulungan ka, at kailangan mo lamang na ibigay sa Kanya ang iyong kamay sa payak na pagtitiwala, at pahintulutan Siyang pangunahan ka. . . . KDB 183.3
Si Jesus ang liwanag ng sanlibutan, at kailangan mong ayusin ang iyong buhay na maging tulad ng sa Kanya. Makahahanap ka ng tulong upang makabuo ng malakas, balanse, at magandang karakter. Hindi mapapawalang-bisa ni Satanas ang liwanag na nagniningning mula sa ganitong karakter. May gawain ang Panginoon para sa bawat isa sa atin. Hindi Siya nagbigay para tayo'y mapalakas ng impluwensiya ng papuri at pangangalaga ng tao; ninanasa Niya na manindigan ang bawat kaluluwa sa kalakasan ng Panginoon.— Messages to Young People, pp. 63, 64. KDB 183.4