Manirahan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo ayon sa lahat ng karunungan; magturo at magpaalalahanan kayo sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awiting espirituwal, na umaawit na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso. Colosas 3:16. KDB 184.1
Lalago ang pananampalataya kay Jesus habang mas nakikilala mo ang iyong Manunubos sa pamamagitan ng pananahan sa Kanyang buhay na walang dungis at walang-hanggang pag-ibig. Hindi mo nilalapastangan ang Diyos nang higit kaysa angkining alagad ka Niya samantalang nananatiling malayo sa Kanya, at hindi napakain at napalakas ng Kanyang Banal na Espiritu. KDB 184.2
Kung lumalago ka sa biyaya, gugustuhin mong dumalo sa mga relihiyosong pagpupulong, at malugod kang magpapatotoo sa pag-ibig ni Cristo sa harap ng pagtitipon. Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, kayang gawin ng Diyos na mahinahon ang kabataang lalaki, at kaya Niyang bigyan ang mga bata ng karunungan at karanasan. Maaari silang lumago sa biyaya araw-araw. Hindi mo dapat sukatin ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng iyong mga damdamin. KDB 184.3
Suriin mong malapitan ang iyong sariling puso, at ang kalagayan ng iyong pag-ibig sa Diyos. Tanungin mo, Itinalaga ko ba ang mahahalagang sandali ng araw ngayon sa pagsusumikap na bigyang lugod ang aking sarili, paghahanap sa aking sariling libangan? O napasaya ko ba ang ibang tao? Natulungan ko ba silang may kaugnayan sa akin patungo sa higit na katapatan sa Diyos at pahalagahan ang mga bagay na walang hanggan? Dinala ko ba ang aking relihiyon sa tahanan ko, at doo'y inihayag ang biyaya ni Cristo sa aking mga salita at pagkilos? Pinarangalan ko ba ang aking mga magulang sa pamamagitan ng magalang na pagsunod, at sa gayo'y sinunod ang ikalimang utos? Masaya ko bang ginampanan ang maliliit na mga tungkulin sa bawat araw, na ginagawa ang mga ito na may katapatan, na ginagawa ko iyong makapagpapagaan sa pasanin ng iba? Inilayo ko ba ang aking mga labi mula sa masama, at ang aking dila mula sa pagsasalita ng katusuan? Pinarangalan ko ba si Cristo na aking Manunubos, na nagbigay ng Kanyang mahalagang buhay upang maabot ko ang buhay na walang hanggan?— Messages to Young People, pp. 121, 122. KDB 184.4