Sapagkat kung noon ngang tayo'y mga kaaway, ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo ngayong ipinagkasundo na, ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay. Roma 5:10. KDB 253.1
Ibinigay ni Jesu-Cristo ang Kanyang sarili bilang isang ganap na handog para sa bawat nahulog na anak na lalaki at babae ni Adan. O anong kapakumbabaan ang Kanyang dinala! Kung paanong Siya'y bumaba, bawat hakbang, bumababa at bumababa sa landas ng kapakumbabaan, gayunpaman hindi Niya pinasama ang Kanyang kaluluwa ng isang masamang bahid ng kasalanan! Ang lahat ng ito ay dinanas Niya, upang maitaas ka Niya, linisin, dalisayin, at bigyang-kaluwalhatian, at gawing tagapagmanang kasama Niya sa Kanyang trono. KDB 253.2
Paano mo masisiguro ang iyong pagkatawag at pagkapili? Ano ang daan ng kaligtasan? Sinabi ni Cristo, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.” Gaanuman kamakasalanan, gaano ka mang may sala, tinawag ka, pinili ka. . . . Walang pipilitin ni isa na labag sa kanyang kaloobang lumapit kay Jesu-Cristo. Ang Kamahalan ng langit, ang nag-iisang Anak ng tunay at buhay na Diyos, ang nagbukas ng daan upang lumapit ka sa Kanya, sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang buhay bilang isang sakripisyo sa krus ng Kalbaryo. Ngunit habang pinaghirapan Niya ang lahat ng ito para sa iyo, Siya ay napakadalisay, Siya ay napakamatuwid, upang masdan ang kasamaan. Ngunit kahit ito ay hindi kinakailangang maglayo sa iyo sa Kanya; sapagkat sinabi Niyang, “Hindi ako naparito upang tawagin ang matuwid, kundi ang mga makasalanan upang magsisi.” KDB 253.3
Hayaang ang mga nawawaglit na kaluluwa ay lumapit sa Kanya kung sino man sila, nang walang isang pagdadahilan, at ipagsumamo ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo, at tatanggapin sila ng Diyos, na tumatahan sa kaluwalhatian sa pagitan ng mga kerubin sa itaas ng luklukan ng awa. Ang dugo ni Jesus ay isang di-nabibigong daan, na sa pamamagitan nito ang lahat ng iyong mga kahilingan ay maaaring makapasok sa trono ng Diyos.— Fundamentals of Christian Education, pp. 251, 252. KDB 253.4