Sino ngayon ang naghahandog nang kusa upang italaga ang sarili sa PANGINOON sa araw na ito? 1 Cronica 29:5. KDB 260.1
Hindi ligtas para sa atin ang magbulay sa mga pakinabang na makakamtan sa pamamagitan ng pagsuko sa mga mungkahi ni Satanas. Ang kasalanan ay nangangahulugan ng kasiraang-puri at pagkawasak para sa bawat kaluluwang nagpapasasa rito; ngunit ito'y nakabubulag at nakapandaraya sa kanyang likas, at aakitin niya tayo sa pamamagitan ng mga nakagaganyak na pahayag. Kung mangangahas tayong pumasok sa lupain ni Satanas, wala tayong katiyakang tayo'y maiingatan mula sa kanyang kapangyarihan. Habang ating makakaya, dapat nating isara ang bawat madadaanan ng manunukso papasok sa atin.— Messages to Young People, p. 70. KDB 260.2
Dapat na ipasakop sa Diyos ang buong puso, kung hindi'y hindi ns mangyayari sa atin ang pagbabago na sa pamamagitan nito'y maipapanumbalik tayo sa Kanyang wangis. Likas tayong hiwalay sa Diyos. Inilalarawan ng Banal na Espiritu ang ating kalagayan sa ganitong mga salita: “mga patay sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan;” “Ang buong ulo ay may sakit, at ang buong puso ay nanghihina;” “walang kagalingan.” Tayo'y nasilo sa patibong ni Satanas, “binihag niya upang gawin ang kanyang kalooban.” Ninanasa ng Diyos na pagalingin tayo, na palayain tayo. Ngunit dahil nangangailangan ito ng ganap na pagbabago, pagpapanibago ng buong likas, kailangan nating ipasakop ang ating sarili nang buo sa Kanya. KDB 260.3
Ang pakikidigma sa sarili'y siyang pinakamalaking digmaang naisagawa. Ang pagpapasakop ng sarili, pagsuko ng lahat sa kalooban ng Diyos ay nangangailangan ng pagpupunyagi; ngunit kailangang magpasakop sa Diyos ang kaluluwa bago ito mapanibago sa kabanalan. KDB 260.4
Ang pamahalaan ng Diyos ay hindi naitayo sa bulag na pagsunod, sa pagkontrol na walang dahilan, na gaya ng ipinapamukha ni Satanas. Pinupukaw nito ang kaisipan at ang konsyensya.— Steps to Christ, p. 43. KDB 260.5