Inisip ko ang mga lakad ko, at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo. Awit 119:59. KDB 261.1
Hindi dahilan ang edad sa hindi pagsunod sa Diyos. Dapat na mayaman sa mabubuting gawa ang ating pananampalataya; dahil ang pananampalatayang walang gawa ay baog. Ang bawat tungkuling ginagampanan, bawat sakripisyong ginagawa sa pangalan ni Jesus ay naghahatid ng napakadakilang gantimpala. Sa mismong pagganap sa tungkulin, nagsasalita ang Diyos, at nagbibigay ng Kanyang pagpapala. Ngunit hinihingi Niya sa atin ang ganap na pagpapasakop ng mga kakayanan. Ang puso at isipan, ang buong pagkatao, ay dapat na ibigay sa Kanya, kung hindi'y kukulangin tayo sa pagiging tunay na Cristiano. KDB 261.2
Walang ipinagkait ang Diyos sa tao na magdudulot sa Kanya ng kayamanang walang hanggan. Dinamtan Niya ng kagandahan ang lupa, at pinaglaanan ito para sa kanyang paggamit at kaalwanan sa panahon ng kanyang makalupang buhay. Ibinigay Niya ang Kanyang Anak upang mamatay para matubos ang sanlibutang nahulog sa pamamagitan ng pagkakasala at kamangmangan. . . . Hinihingi ng Diyos ang agaran at hindi nag-aalinlangang pagsunod sa Kanyang utos; ngunit natutulog ang mga tao o di-kaya'y napaparalisa ng mga pandaraya ni Satanas, na nagmumungkahi ng mga dahilan at pakana, at pinangingibabawan ang kanilang pag-aatubili, na nagsasabi katulad ng kanyang binigkas kay Eva sa halamanan, “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” Hindi lamang pinatitigas ng pagsuway ang puso at konsyensya ng nagkasala, kundi gumagawa ito upang sirain ang pananampalataya ng iba.— Testimonies for the Church, vol. 4, pp. 145, 146. KDB 261.3
Makakaya ba nating hanapin ang sarili nating daan, at alisin ang ating mga sarili sa mga kamay ng Diyos, dahil mas nakalulugod sa likas na hilig ng puso? Hinihingi ng Diyos ang ganap na pagpapasakop at lubusang pagsunod.— Ibid., p. 218. KDB 261.4
Kung paanong bumabaling ang bulaklak tungo sa araw upang ang maliwanag na sinag ay makatulong sa pagbuo ng kagandahan at kaayusan nito, gayundin ang mga kabataa'y kailangang bumaling sa Araw ng Katuwiran upang ang liwanag ng kalangitan ay magningning sa kanila.— Ibid., p. 445. KDB 261.5