Kayo'y aking aariing aking bayan at ako'y magiging Diyos ninyo at inyong malalaman na ako'y PANGINOON ninyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa pagpapahirap ng mga Ehipcio. Exodo 6:7. KDB 333.1
Ang makapangyarihang Diyos ng Israel ay ating Diyos. Maaari tayong magtiwala sa Kanya, at kung ating susundin ang Kanyang mga hinihingi, gagawa Siya para sa atin sa paraang katulad ng Kanyang ginawa para sa Kanyang sinaunang bayan. Ang lahat ng nagsusumikap na sumunod sa landas ng tungkulin ay may mga panahong sasalakayin ng pag-aalinlangan at kawalang-pananampalataya. May mga panahong ang landas ay mahahadlangan ng mga balakid, na tila hindi makakayanan, na magpapahina sa kalooban nilang handang magpatangay sa panlulupaypay; ngunit sinasabi ng Diyos sa mga gayon, “Sumulong. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin anuman ang maging kapalit.” Ang mga kahirapan na tila napakatindi, na pumupuno ng pangamba sa inyong kaluluwa, ay mawawala habang sumusulong kayo sa landas ng pagsunod, na mapagpakumbabang nagtitiwala sa Diyos.— Patriarchs and Prophets, p. 437. KDB 333.2
Sa lahat ng pakikitungo ng Diyos sa Kanyang bayan, sa Kanyang pagmamahal at habag ay nahaluan ng kapansin-pansing patunay ng Kanyang mahigpit at walang- kinikilingang hustisya. Ito'y makikita sa kasaysayan ng mga Judio. Ibinigay ng Diyos ang mga dakilang pagpapala sa Israel. . . . Ngunit gaano nga kabilis at kabigat ang ganting dumalaw sa kanila dahil sa kanilang mga paglabag!— Ibid., p. 469. KDB 333.3
May ilang kumakausap sa dakila at makapangyarihan sa lahat at banal na Diyos, na nanahan sa kaliwanagang walang makalalapit, na para bang kinakausap nila ang isang kapantay nila, o parang mas mababa pa sa kanila. May ilang kumikilos sa Kanyang tahanan na parang nasa tanggapan lamang sila ng isang makalupang pinuno. Kailangang alalahanin ng mga kagaya nito na sila'y nasa paningin Niyang sinasamba ng mga serafin, na sa Kanyang harapan ay tinatakpan ng mga anghel ang kanilang mga mukha. . . . Ito nga ang tahanan ng Diyos, at ito ang pintuan ng langit.— Ibid., p. 252. KDB 333.4