At hindi ko na ikukubli pa ang aking mukha sa kanila, kapag ibinuhos ko ang aking Espiritu sa sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong DIYOS. Ezekiel 39:29. KDB 350.1
Samantalang nananahan si Cristo sa puso, imposibleng maitago ang liwanag ng Kanyang presensya, o magdilim ang liwanag na iyon. Taliwas dito, ito'y liliwanag nang liliwanag habang araw-araw na napapawi ang mga ulap ng pagkamakasarili at kasalanan na bumabalot sa kaluluwa sa pamamagitan ng maliwanag na kaningningan ng Araw ng Katuwiran.— Patriarchs and Prophets, p. 134. KDB 350.2
Ipinangako ni Cristo ang kaloob ng Banal na Espiritu sa Kanyang iglesya, at sa atin ang pangako na katulad sa unang mga alagad. Ngunit katulad ng bawat iba pang pangako, ito'y naibigay na may mga kondisyon. Marami ang nag-aangking nananampalataya at inaangkin ang pangako ng Panginoon; nagsasalita sila tungkol kay Cristo at tungkol sa Banal na Espiritu, ngunit hindi tumatanggap ng anumang pakinabang. Hindi nila isinusuko ang kaluluwa upang gabayan at kontrolin ng mga banal na kapangyarihan. . . . Tanging sa kanilang mapagpakumbabang naghihintay sa Diyos . . . ibinibigay ang Espiritu.— The Desire of Ages, p. 672. KDB 350.3
Hindi limitado sa anumang edad o lahi ang pangako ng Banal na Espiritu. Sinabi ni Cristo na mapapasakanyang mga tagasunod hanggang sa wakas ang banal na impluwensiya ng Kanyang Espiritu. Mula sa araw ng Pentecostes hanggang sa kasalukuyan, isinugo ang Mang-aaliw sa lahat na nagbigay nang lubos ng kanilang mga sarili sa Panginoon at sa Kanyang paglilingkod. Sa lahat ng tumanggap kay Cristo bilang personal na Tagapagligtas, dumating ang Banal na Espiritu bilang tagapayo, tagapagpabanal, patnubay, at saksi. Kung mas malapit na lumalakad ang mga mananampalataya kasama ng Diyos, higit na malinaw at makapangyarihan silang makapagpapatotoo sa pagmamahal ng kanilang Manunubos at sa Kanyang nagliligtas na biyaya.— The Acts of the Apostles, p. 49. KDB 350.4