Lilinisin ko kayo sa lahat ninyong karumihan. Aking patutubuin ang trigo at aking pararamihin, at hindi na ako magpaparating ng taggutom sa inyo. Aking pararamihin ang bunga ng punungkahoy at ang ani sa bukid, upang hindi na kayo muling magdanas ng kahihiyan ng taggutom sa mga bansa. Ezekiel 36:29, 30. KDB 349.1
Ang mga prinsipyong naibigay . . . para sa tagubilin ng Israel ay dapat na tuparin ng bayan ng Diyos hanggang sa kawakasan ng panahon. Nakasalalay sa pagpapatuloy ng ating tipanan sa Diyos ang tunay na kaginhawahan. Huwag nating ikompromiso ang prinsipyo sa pamamagitan ng pagpasok sa pakikipag-alyansa sa kanila na hindi natatakot sa Kanya. May palagiang panganib na isipin ng mga nag-aangking Cristiano na kailangan nilang umayon sa sanlibutan sa ilang bahagi upang maimpluwensiyahan ang mga makasanlibutan. Ngunit bagaman ang ganitong paraan ay tila magbibigay ng malalaking kapakinabangan, palagi itong humahantong sa pagkawala ng espirituwalidad.— Prophets and Kings, p. 570. KDB 349.2
Nakipagtipan ang Panginoon sa Israel, na kung susundin nila ang Kanyang mga utos, bibigyan Niya sila ng ulan sa kapanahunan, magbubunga ang lupa, at ang mga puno sa parang ay magbibigay ng kanilang bunga. Ipinangako Niya na ang kanilang paggiik ay aabot sa ani ng nakalipas na taon, at ang ani ng nakalipas na taon ay aabot sa paghahasik ng binhi, at kakain sila ng tinapay hanggang sa kabusugan, at matiwasay na mabubuhay sa kanilang lupain. . . . Ngunit kung kanilang pababayaan ang Kanyang mga hinihingi, magiging kasalungat nito ang Kanyang pakikitungo sa kanila. Mapapasakanila ang Kanyang sumpa imbes na Kanyang pagpapala. Sisirain Niya ang kanilang pagmamataas sa kapangyarihan, at gagawin Niyang katulad ng bakal ang langit sa kanilang ibabaw, at tanso ang lupa. KDB 349.3
Silang makasariling pumipigil sa kanilang yaman ay hindi dapat na magulat kapag nagkakalat ang kamay ng Diyos. . . . Maaaring ikalat ng Diyos ang mga yaman na Kanyang ipinahiram sa Kanyang mga katiwala, kung ayaw nilang gamitin ito para sa Kanyang kaluwalhatian.— Testimonies for the Church, vol. 2, pp. 661, 662. KDB 349.4