Sapagkat siya'y umaasa sa lunsod na may mga kinasasaligan, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos. Hebreo 11:10. KDB 370.1
Walang pag-aari si Abraham sa lupa, “kahit man lamang isang hakbang na lupa.” Nagtataglay siya ng maraming yaman, at ginamit niya ito para sa kaluwalhatian ng Diyos at sa kabutihan ng kanyang kapwa; ngunit hindi niya tiningnan ang sanlibutang ito bilang kanyang tahanan. Tinawagan siya ng Panginoon na iwanan ang kanyang mga kababayang sumasamba sa diyus-diyosan, na may pangako ng lupain ng Canaan bilang walang-hanggang pag-aari; ngunit siya ni kanyang anak ay hindi natanggap ito. KDB 370.2
Noong ninais ni Abraham ang isang libingan para sa kanyang mga namayapa, kinailangan niya itong bilhin mula sa mga Cananeo. Ang tanging pag-aari niya sa lupang pangako ay ang mabatong libingan sa kweba ng Macpela. KDB 370.3
Ngunit hindi nabigo ang salita ng Diyos; at hindi rin ito nagkaroon ng pangwakas na katuparan sa pagsakop ng mga Judio sa Canaan. . . . Si Abraham mismo'y makikibahagi sa mana.... At malinaw na itinuturo ng Biblia na ang mga pangakong ibinigay kay Abraham ay matutupad kay Cristo.... Binigyan ng Diyos si Abraham ng sulyap ng kanyang walang-hanggang mana, at dito'y nasiyahan siya. “Sa pananampalataya siya'y dumayo sa lupang pangako na tulad ng sa ibang lupain, at nanirahan sa mga tolda na kasama sina Isaac at Jacob, na kapwa mga tagapagmana ng gayunding pangako. Sapagkat siya'y umaasa sa lunsod na may mga kinasasaligan, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.” KDB 370.4
Nasusulat tungkol sa angkan ni Abraham, “Ang lahat ng mga ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, ngunit mula sa malayo ang mga iyon ay kanilang natanaw at binati. Kanilang ipinahayag na sila'y pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa.” Kailangan nating manahan bilang mga manlalakbay at taga-ibang lupa dito kung nais nating magkamit ng “isang higit na mabuting lupain, samakatuwid ay ang makalangit.”— Patriarchs and Prophets, pp. 169,170. KDB 370.5