Ngunit sila ay nagnanais ng isang higit na mabuting lupain, samakatuwid ay ang makalangit. Kaya't ang Diyos ay hindi nahihiyang tawaging Diyos nila, sapagkat kanyang ipinaghanda sila ng isang lunsod. Hebreo 11:16. KDB 371.1
Pagkatapos ng paghuhukom ng mga nangamatay na masasama, sa katapusan ng isang libong taon, iniwan ni Jesus ang lunsod, at ang mga banal at ang hukbo ng mga anghel ay sumunod sa Kanya. Bumaba si Jesus sa isang malaking bundok, na nahati sa sandaling lumapag ang Kanyang mga paa rito, at naging isang malaking kapatagan. KDB 371.2
Pagkatapos ay tumingin kami paitaas at nakita ang dakila at magandang lunsod, na may labindalawang saligan, at labindalawang pintuan, tatlo sa bawat panig, at isang anghel sa bawat pintuan. Sumigaw kami, “Ang lunsod! Ang dakilang lunsod! Ito'y bumababa mula sa Diyos sa langit!” At bumaba ito sa marilag at maningning na kaluwalhatian, at bumaba sa malaking kapatagan na inihanda ni Jesus para dito. — Early Writings, p. 291. KDB 371.3
Habang minamasdan ng propeta ang natubos na naninirahan sa lunsod ng Diyos, na malaya mula sa kasalanan at sa lahat ng tanda ng sumpa, sa kasiyahan ay binibigkas niya: “Kayo'y magalak na kasama ng Jerusalem, at matuwa dahil sa kanya, kayong lahat na umiibig sa kanya; magalak kayong kasama niya.” KDB 371.4
“Hindi na maririnig sa iyong lupain ang Karahasan, ni ang pagkawasak o pagkagiba sa loob ng iyong mga hangganan; “Ang iyong mga pader ay tatawagin mong Kaligtasan, at Papuri ang iyong mga pintuan. . . ” KDB 371.5
Narinig ng propeta ang tunog ng musika roon, at awitan, musika at awitin na, maliban sa mga pangitain ng Diyos, walang taong nakarinig o pag-iisip na nakaunawa. . . . “Inilakas nila ang kanilang mga tinig, sila'y umawit sa kagalakan dahil sa kadakilaan ng Panginoon.”— Prophets and Kings, pp. 729, 730. KDB 371.6