At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa trono na nagsasabi, Masdan ninyo, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao. Siya'y maninirahang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Ang Diyos mismo ay makakasama nila, at siya'y magiging Diyos nila. Apocalipsis 21:3. KDB 373.1
Mabubuksan ang lahat ng kayamanan ng sansinukob para sa pag-aaral ng mga tinubos ng Diyos. Hindi nalilimitahan ng pagiging mortal, lumilipad silang walang kapaguran patungo sa malalayong mundo— mga mundong nanabik na may kalumbayan sa panoorin ng paghihirap ng tao, at umalingawngaw sa mga awitan ng kasiyahan sa pagkarinig ng pabalita ng isang kaluluwang natubos. Taglay ang hindi mabigkas na kasiyahan, pumapasok ang mga anak ng lupa sa kasiyahan at karunungan ng mga nilalang na hindi nagkasala. Nakikibahagi sila sa mga kayamanan ng karunungan at pag-unawa na natamo sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa loob ng maraming mga panahon sa mga gawa ng Diyos. KDB 373.2
Tumitingin sila sa kaluwalhatian ng paglalang na may paninging hindi napalabo—mga araw at bituin at mga sistema, lahat nasa kanilang itinalagang kaayusan na umiikot sa trono ng Kadiyosan. Sa lahat ng mga bagay, mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakadakila, nakasulat ang pangalan ng Manlalalang, at mayamang nahahayag ang Kanyang kapangyarihan sa lahat. KDB 373.3
At habang dumadaan ang mga taon ng walang hanggan, magkakaroon sila ng higit na sagana at higit na maluwalhating paghahayag ng Diyos at ni Cristo. Dahil umuunlad ang karunungan, gayundin ang pag-ibig, paggalang, at kaligayahan. Habang mas maraming natututunan ang mga tao tungkol sa Diyos, lalago ang kanilang paghanga sa Kanyang karakter. Habang binubuksan ni Jesus sa kanilang harapan ang mga kayamanan ng pagtubos, at ang mga kamangha- manghang nakamit sa malaking tunggalian kay Satanas, magkakaroon ng higit na maalab na debosyon ang mga puso ng natubos, at may higit na kasiyahan nilang tinutugtog ang kanilang mga ginintuang alpa; at laksa-laksa at libu- libong mga tinig ang nagkaisa upang palakasin ang makapangyarihang koro ng papuri.— The Great Controversy, pp. 677, 678. KDB 373.4