At ipinakita sa akin ng anghel ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng kristal, na lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero sa gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay naroon ang punungkahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawat buwan; at ang mga dahon ng punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa. Apocalipsis 22:1, 2. KDB 372.1
Sa Biblia ay tinatawag na isang lupain ang mana ng mga naligtas. Doo'y pinangungunahan ng makalangit na Pastol ang Kanyang kawan sa mga bukal ng buhay na tubig. Nagbibigay ang punungkahoy ng buhay ng bunga nito sa bawat buwan, at ang mga dahon ng puno ay para sa paggamit ng mga bansa. May mga agos na walang tigil na kasing linaw ng kristal, at sa gilid nito'y naghahasik ng anino ang mga wumawagayway na puno sa mga daang inihanda para sa mga tinubos ng Panginoon. Doon ang mga malalawak na kapatagan ay umaabot sa mga burol ng kagandahan, at itinataas ng mga kabundukan ng Diyos ang matatayog nilang taluktok. Sa mapapayapang kapatagang iyon, sa tabi ng mga buhay na batis, makahahanap ng tirahan ang bayan ng Diyos na napakatagal ng manlalakbay at pagala-gala.— The Great Controversy, p. 675. KDB 372.2
Nakita ko ang hukbo ng natubos na yumuyukod at inilalagay ang mga maningning nilang mga putong sa paanan ni Jesus, pagkatapos, habang itinataas sila ng mapalad Niyang kamay, hinawakan nila ang kanilang mga ginintuang alpa, at pinuno ang kalangitan ng kanilang magagandang musika, at mga awit sa Kordero. KDB 372.3
Pagkatapos ay nakita ko si Jesus na pinangungunahan ang Kanyang bayan sa punungkahoy ng buhay, at muli'y maririnig natin ang maibigin Niyang tinig, na higit na maganda kaysa anumang musikang napakinggan ng pandinig ng tao, na nagsasabi, “Ang mga dahon ng punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa. Kumain kayong lahat.” KDB 372.4
Naroon sa punungkahoy ng buhay ang pinakamagandang bunga, na malayang makakain ng mga banal. May maluwalhating trono roon sa lunsod, na mula rito'y umaagos ang dalisay na ilog ng tubig ng buhay, na kasing linaw ng kristal. Sa magkabilang gilid ng ilog na ito'y naroon ang punungkahoy ng buhay, at sa mga pampang ng ilog ay may iba pang magagandang puno na namumunga na makakain.— Early Writings, p. 289. KDB 372.5