At mula sa bagong buwan hanggang sa isa pang bagong buwan, at mula sa isang Sabbath hanggang sa isa pang Sabbath, paroroon ang lahat ng laman upang sumamba sa harapan ko, sabi ng PANGINOON. Isaias 66:23. KDB 381.1
Kapwa ko manlalakbay, tayo'y nasa kalagitnaan pa rin ng mga anino at kaguluhan ng mga gawain sa lupa; ngunit hindi magtatagal ay darating ang ating Tagapagligtas upang magdala ng kaligtasan at kapahingahan. Tingnan natin sa pamamagitan ng pananampalataya ang mapalad na buhay na darating, sa pagkakalarawan ng kamay ng Diyos. Siyang namatay dahil sa kasalanan ng sanlibutan ay binubuksang mabuti ang mga pintuan ng Paraiso para sa lahat ng nananampalataya sa Kanya. Hindi magtatagal ay matatapos na ang pakikidigma, at makakamit ang tagumpay. Hindi magtatagal makikita natin Siya na pinagtuunan ng ating mga pag-asa para sa buhay na walang hanggan. At sa Kanyang presensya ang mga pagsubok at paghihirap ng buhay na ito'y magiging tila kawalang-kabuluhan. “Ang mga dating bagay ay hindi na maaalala, o darating man sa isipan.” . . . KDB 381.2
Ang mga bansa ng naligtas ay walang kikilalaning kautusan maliban sa kautusan ng kalangitan. Ang lahat ay magiging isang masaya at nagkakaisang sambahayan, na nararamtan ng mga kasuotan ng papuri at pasasalamat. Dahil sa tanawin ay aawit na magkakasama ang mga tala sa umaga, at sisigaw dahil sa kagalakan ang mga anak ng Diyos, samantalang magkakaisa ang Diyos at si Cristo sa paghahayag, “Hindi na magkakaroon ng pagkakasala, ni ng kamatayan man.”— Prophets and Kings, pp. 731-733. KDB 381.3
Noong pasimula, nagpahinga ang Ama at ang Anak sa Sabbath pagkatapos ng Kanilang gawain ng paglalang. . . . Kapag nagkaroon ng “panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng Kanyang mga banal na propeta,” ang Sabbath ng paglalang, ang araw kung kailan namahinga si Jesus sa libingan ni Jose, ay magiging araw pa rin ng pamamahinga at pagdiriwang. KDB 381.4
Magkakaisa ang langit at lupa sa pagpuri habang ang mga bansa ng mga naligtas ay yuyukod sa masayang pagsamba sa Diyos at sa Kordero “mula sa isang Sabbath hanggang sa isa pang Sabbath.”— The Desire of Ages, p. 770. KDB 381.5