At sinabi niya sa akin, Ang mga salitang ito'y tapat at tunay. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng Kanyang anghel upang ipakita sa Kanyang mga alipin ang mga bagay na kailangang mangyari kaagad. Apocalipsis 22:6. KDB 382.1
Sa pinakamadilim na mga araw ng kanyang mahabang pakikipagpunyagi sa kasamaan, nabigyan ang iglesya ng Diyos ng mga pahayag ng walang- hanggang layunin ni Jehovah. Pinahintulutan ang Kanyang bayan na tumingin sa kabila ng mga pagsubok ng kasalukuyan hanggang sa mga tagumpay ng hinaharap, kung kailan, dahil natapos na ang pakikipaglaban, papasok ang mga tinubos upang ariin ang lupang pangako. Ang mga pangitaing ito ng kaluwalhatian sa hinaharap, mga tanawing inilarawan sa pamamagitan ng kamay ng Diyos, ay dapat na maging mahalaga sa Kanyang iglesya ngayon, kung kailan malapit ng matapos ang tunggalian ng lahat ng kapanahunan, at ang mga pagpapalang ipinangako ay malapit ng maisakatuparan sa kabuuan. . . . Nasusuotan ng baluti ng katuwiran ni Cristo, papasok ang iglesya sa huling pakikidigma. “Kasingganda ng buwan, kasinliwanag ng araw, kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat,” siya'y hahayo sa buong sanlibutan, nagtatagumpay at magtatagumpay.— Prophets and Kings, pp. 722, 725. KDB 382.2
Ninais ng mga propetang pinaghayagan ng mga dakilang tanawing ito na maunawaan ang buo nilang kahulugan. Sila'y nagtanong at naghanap nang mabuti: na “. . . siniyasat kung anong pagkatao o kapanahunan na tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na sumasakanila. . . . Ipinahayag sa kanila na hindi sila naglilingkod sa kanilang sarili kundi sa inyo, sa mga bagay na ngayo'y ibinalita sa inyo.” . . . KDB 382.3
Tumingin kayo, tumingin kayo sa itaas, at pahintulutang ang inyong pananampalataya'y patuloy na lumago. Hayaan ninyong gabayan kayo ng pananampalatayang ito sa makitid na landas na umaakay sa mga pintuan ng lunsod papasok sa dakilang nasa kabilang banda, ang malawak at walang-hangganang hinaharap ng kaluwalhatian na para sa mga tinubos.— Ibid., pp. 731, 732. KDB 382.4