Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos, gaya ng paglakad ng iyong amang si David, ay aking pahahabain ang iyong mga araw. 1 Hari 3:14. KDB 169.1
Hindi maaaring labagin ng mga lalaki at babae ang batas ng kalikasan sa pamamagitan ng pagbibigay-hilig sa masasamang panlasa at pagnanasa ng laman, na hindi nilalabag ang kautusan ng Diyos. Kaya't pinahintulutan Niyang sumilay sa atin ang liwanag ng reporma sa kalusugan, upang ating makita ang ating kasalanan sa paglabag sa mga batas na itinatag Niya sa ating pagkatao. Maaaring matukoy ang pinagmulan ng lahat nating kasiyahan o pagdurusa sa pagsunod o sa paglabag sa batas ng kalikasan. Nakikita ng ating maawaing Ama ang nakalulunos na kalagayan ng mga taong nabubuhay sa paglabag sa mga batas na Kanyang itinatag, ang ila'y sadya samantalang ang iba nama'y hindi namamalayan. At sa Kanyang pag-ibig at kahabagan sa mga tao, pinasisikat Niya ang liwanag sa reporma sa kalusugan. Inilalathala Niya ang Kanyang kautusan, at ang kabayarang susunod sa paglabag nito, upang matuto ang lahat, at maging maingat na mamuhay na kasang-ayon sa batas ng kalikasan. . . . KDB 169.2
Hindi dahilan ang kawalang-kaalaman sa paglabag sa kautusan. Malinaw na nagniningning ang liwanag, at walang kinakailangang manatiling walang-alam, sapagkat ang dakilang Diyos mismo ang tagapagturo sa tao. Ang lahat ay may mga pinakabanal na obligasyon sa Diyos na sumunod sa tamang pilosopiya at tunay na karanasan na ibinibigay Niya ngayon sa kanila kaugnay sa reporma sa kalusugan.— Testimonies for the Church, vol. 3, pp. 161, 162. KDB 169.3
Anong uri ng Diyos ang ating Diyos! Naghahari Siyang may kasigasigan at pag-aaruga sa Kanyang kaharian; at naglagay Siya ng bakod—ang Sampung Utos—sa paligid ng Kanyang mga nasasakupan, upang ingatan sila mula sa mga resulta ng paglabag. Sa utos Niyang sumunod sa mga kautusan ng Kanyang kaharian, nagbibigay ang Diyos sa Kanyang bayan ng kalusugan at kasiyahan, kapayapaan at kagalakan.— Counsels to Parents, Teachers, and Students, p. 454. KDB 169.4