“Nang panahong iyon si Herodes na hari ay nag-unat ng kamay upang pahirapan ang ilan na nasa iglesia.” AGA 110.1
Ang pamahalaan ng Judea noon ay nasa mga kamay ni Herodes Agrippa, na sakop ni Claudio, ang emperador ng Roma. Si Herodes naman ay siyang tetrarka ng Galilea. Nagpapanggap siyang hikayat sa pananampalatayang Judio, at sa tingin ay masigasig sa mga seremonya ng mga batas Judio. Sa pagnanais na makuha ang pagtingin ng mga Judio, at mapatatag ang sarili sa tungkulin at mga karangalan nito, isinagawa niya ang mga naisin ng mga ito sa pag-uusig sa iglesia ni Kristo, winasak niya ang mga bahay at kalakal ng mga mananampalataya, at ibinilanggo ang mga pangunahing kaanib ng iglesia. Ipinabilanggo niya si Santiago, na kapatid ni Juan, at nagsugo ng berdugo upang patayin ito sa tabak, kagaya ng isa pang Herodes na nagpapugot ng ulo sa propetang Juan. Sa pagkakita na natutuwa ang mga Judio sa mga pagsisikap na ito, pati si Pedro ay kanyang ipinabilanggo. AGA 110.2
Ang mga kalupitang ito ay naganap sa panahon ng Paskua. Habang ang mga Judio ay nagdiriwang ng kanilang pagkaligtas mula sa Egipto, at nagpapanggap ng dakilang sigasig sa kautusan ng Dios, kasabay naman nito ay nilalabag nila ang bawat simulain ng kautusang iyon sa pag-uusig at pagpatay sa mga nananampalataya kay Kristo. AGA 110.3
Ang kamatayan ni Santiago ay nagdulot ng malaking kapanglawan at sama ng loob sa mga mananampalataya. Nang si Pedro ay ibilanggo, ang buong iglesia ay nag-ayuno at nanalangin. AGA 110.4
Ang pagpapatay ni Herodes kay Santiago ay pinalakpakan ng mga Judio, bagama’t may nagreklamo sa paraang ito ay ginawang pribado, na kung ito ay naging hayagan, sana ay lalo pang nasindak ang mga mananampalataya at nagmamalasakit sa kanila. Kung kaya’t pinigil ni Herodes si Pedro, upang lalong bigyang kasiyahan ang mga Judio sa pamamagitan ng pampublikong pagpatay sa kanya. Datapuwat iminungkahi na hindi magiging panatag kung ang beteranong apostol ay ilalantad sa karamihang tao sa pagpatay dito, sapagkat baka ito’y makakuha ng habag ng maraming taong nagtitipon sa Jerusalem. AGA 110.5
Nangamba rin ang mga saserdote at matatanda na baka si Pedro ay gumawa ng makapangyarihang apila na madalas na gumising sa tao upang pag-aralan ang buhay at likas ni Jesus—mga apilang, sa kabila ng kanilang mga argumento, ay di nila malabanan. Sa sigasig ni Pedro para sa gawain ni Kristo marami ang naakay upang tumayo para sa ebanghelyo, at nangamba ang mga pinuno na kung mabibigyan pa ito ng pagkakataong ipagtanggol ang kanyang pananampalataya sa harapan ng karamihang naroroon sa siyudad upang sumamba, ang paglaya nito ay hihilingin sa hari. AGA 111.1
Habang ang kamatayan ni Pedro ay ipinagpapaliban sa iba’t ibang dahilan hanggang sa matapos ang Paskua, ang mga kaanib naman ng iglesia ay nagkaroon ng pagkakataong magsaliksik ng mga puso at manalanging maningas. Walang patid na sila ay dumalangin para kay Pedro, sapagkat ito ay malaking kawalan sa gawain. Nadama nilang sila ay nasa kalagayang, kung wala ang tanging tulong ng Dios, ang iglesia ni Kristo ay mawawasak. AGA 111.2
Samantala ang mga galing sa bawat bansang nagtipon upang sumamba ay naroon sa templong itinalaga sa pagsamba sa Dios. Makislap sa ginto at mamahaling hiyas, ito ay tanawin ng kagandahan at kamahalan. Ngunit si Jehova ay wala na sa palasyong ito ng kagandahan. Ang Israel bilang isang bansa ay humiwalay na sa Dios. Si Kristo, sa huling yugto ng Kanyang ministri dito sa lupa ay tumanaw sa huling pagkakataon dito, at nagwika, “Narito, ang inyong bahay ay naiwan sa inyong tiwangwang.” Mateo 23:38. Dati ang tawag Niya sa templo ay bahay ng Kanyang Ama; datapuwat nang ang Anak ng Dios ay lumabas na mula rito, ang presensya ng Dios ay binawi magpakailanman sa templong ito na itinayo sa Kanyang kaluwalhatian. AGA 111.3
Sa wakas ay naitakda ang araw ng pagpatay kay Pedro, ngunit patuloy pa ring ang mga dalangin ng mga mananampalataya ay pumapailanglang sa langit; at habang ang kanilang buong lakas at simpatiya ay naukol sa maningas na pagsamo, ang mga anghel ng Dios ay nagbabantay sa apostol na nakabilanggo. AGA 111.4
Sa pag-alaala ng naging pagtakas mula sa bilangguan ng mga ibang apostol noon, tiniyak ni Herodes sa pagkakataong ito na doblehin ang seguridad. Upang hadlangan ang pagtakas, si Pedro ay pinabantayan sa labing-anim na sundalo, na relyebong nagbantay dito araw at gabi. Sa loob ng piitan, siya ay nakapagitan sa dalawang kawal na may dalawang kadena, bawat isang kadena ay nakakabit sa kamay ng isang kawal. Hindi siya makakilos na hindi nila namamalayan. Ang pintuan ng piitan ay nakakandado, at may matipunong guwardiya dito, lahat ng pag-asang makatakas o mapatakas sa kapangyarihan ng tao ay nawala. Ngunit ang kagipitan ng tao ay pagkakataon para sa Dios. AGA 111.5
Si Pedro ay nakapiit sa silid na ibinutas sa bato, ang mga pintuan nito ay may matibay na kandado at harang; at ang mga sundalong nagbabantay ay mananagot ng kanilang buhay sa pagbabantay sa preso. Datapuwat ang mga kandado at harang at ang mga bantay Romano, na naging mabisang kasangkapan upang ang tulong ng tao ay hindi magtagumpay, ay lalo lamang nagpaganap sa tagumpay ng Dios sa pagliligtas kay Pedro. Si Herodes ay nagtataas ng kamay laban sa Makapangyarihan sa lahat, at siya ay lubusang magagapi. Sa pagpapahayag ng Kanyang kalakasan, ang Dios ay handa nang magligtas ng mahalagang buhay na pakana ng mga Judiong patayin. AGA 112.1
Bisperas ng takdang pagpatay. Isang makapangyarihang anghel ay isinugo mula sa langit upang iligtas si Pedro. Ang matibay na pintuang nagkulong sa banal ng Dios ay nabuksang walang tulong ng kamay ng tao. Ang anghel ng Kataastaasan ay pumasok na walang sagabal at ang pintuan ay nagsara na walang ingay sa likuran niya. Pumasok siya sa selda, na doon ay tulog si Pedro sa pagtulog ng sakdal na pagtitiwala. AGA 112.2
Ang liwanag sa palibot ng anghel ay pumuno sa buong selda, ngunit hindi nagpagising sa apostol, hanggang sa madama niya ang hipo ng kamay ng anghel at nadinig ang tinig na nagsasabing, “Bumangon kang madali,” at nakitang ang silid ay lubos na nagliliwanag sa tanglaw ng langit, at ang anghel ng dakilang luwalhati ay nakatayo sa harapan niya. Dagliang sinunod niya ang tinig na nagaatas sa kanya, at sa pagtayo at pagtaas ng kamay ay nadama niyang ang mga tanikala ay wala na sa kanyang mga kamay. AGA 112.3
Muli ang tinig ng mensahero ng langit ay nag-atas sa kanya, “Magbigkis ka sa sarili, at magsuot ng iyong sandalyas,” at muli si Pedro ay walang atubiling sumunod, na ang mata ay nakatuon sa panauhin, at sa akala ay nananaginip lamang o nasa pangitain. Muli ay nag-utos ang anghel, “Iwanan mo ang iyong mga damit, at sumunod ka sa akin.” Kumilos ang anghel patungong pintuan, kasunod ang dati’y matabil na si Pedro, ngunit ngayon ay umid sa pagkamangha. Nilampasan nila ang guwardiya at nakarating sa pintuang may matitibay na kandado, na kusang bumukas at sumara agad, samantalang ang mga guwardiya sa loob at labas ay walang kilos sa kanilang lugar. AGA 112.4
Ang ikalawang pintuang guwardiyado din sa loob at labas, ay narating nila. Nabuksan itong tulad ng una, na walang ingit o kalansing ng bakal na tanikala. Dumaan sila, at sumara muli ito ng walang ingay. Sa ganoong ding paraan ay dumaan sila sa ikatlong pintuan at nakalabas sa lansangan. Walang salitang binigkas, walang yabag na narinig. Ang anghel ay parang nakalutang sa harapan niya, nababalutan ng nakabubulag na liwanag, at si Pedro, namamangha at parang nananaginip lamang, ay kasunod ng nagliligtas sa kanya. Sa ganito ay nagpatuloy sila sa mga kasunod na lansangan, at nang matapos na ng anghel ang kanyang misyon, ito ay biglang nawala. AGA 113.1
Ang makalangit na liwanag ay nawala, at natagpuan ni Pedro ang sarili sa pusikit na kadiliman; datapuwat ang kanyang mata ay nasanay sa dilim, ay unti-unti itong nabawasan, at nakita niyang siya’y nagiisa sa lansangang tahimik, na ang lamig ng hanging panggabi ay dumadampi sa kanyang mukha. Nadama niyang siya ay malaya na, nasa isang bahagi ng siyudad na alam na alam niya. Nakilala niyang ito ay lugar na madalas niyang puntahan at inasahang sa huling pagkakataon ay dadaanan niya sa kinaumagahan. AGA 113.2
Sinikap niyang alalahanin ang mga pangyayari sa mga nakaraang sandali lamang. Naalaala niya kung paanong siya’y nakatulog sa pagitan ng dalawang sundalo, na hubad ang panlabas na damit at sandalyas. Tiningnan niya ang sarili at nakitang husto ang kanyang kasuotan at may biglds. Ang kanyang mga pulso na namaga na sa kadenang nakatali, ay wala nang posas. Nadama niyang ang kanyang paglaya ay hindi imahinasyon, hindi panaginip o pangitain, kundi isang magalak na katunayan. Sa kinaumagahan ay papatayin na sana siya; ngunit isang anghel ang nagligtas sa kanya mula sa piitan at kamatayan. “At nang si Pedro ay pagsaulian ng isip ay kanyang sinabi, Ngayo’y nalalaman kong sa katotohanan ay isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes, at sa buong pag-asa ng bayan ng mga Judio.” AGA 113.3
Nagmadaling ang apostol ay nagtungo sa bahay na pinagtitipunan ng kanyang mga kapatid at sa sandaling iyon ay nasa maningas na pananalangin para sa kanya. “At nang siya’y tumuktok sa pintuangdaan, ay lumabas upang sumagot ang isang dalagang nagngangalang Rode. Nang makilala nito ang tinig ni Pedro, sa tuwa’y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi nagtakbo sa loob, at ipinagbigay alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan. At kanilang sinabi sa kanya, Nauulol ka. Datapuwat buong tiwala niyang. pinatunayang gayon nga. At kanilang sinabi, na yao’y kanyang anghel. AGA 114.1
“Datapuwat nanatili si Pedro ng pagtuktok: at nang kanilang buksan, ay nakita nila siya, at sila’y nangamangha. Datapuwat siya, nang mahudyatan sila ng kanyang kamay na sila’y tumahimik, ay isinaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan.” At “umalis si Pedro at nagtungo sa ibang dako.” Kagalakan at pagpupuri ay sumapuso ng mga mananampalataya, sapagkat dininig ng Dios ang kanilang mga dalangin, at iniligtas si Pedro mula sa mga kamay ni Herodes. AGA 114.2
Kinaumagahan, maraming tao ang nagtipon upang saksihan ang pagbitay sa apostol. Nagpasugo si Herodes ng mga opisyal sa bilangguan upang si Pedro ay kunin. Siya ay sasamahan ng mga nasasandatahang sundalo upang matiyak na ito’y hindi makatatakas, at upang sindakin ang lahat ng nagmamalasakit dito at magpamalas ng kapangyarihan ng hari. AGA 114.3
Nang malaman ng mga bantay sa pintuan na nakatakas si Pedro, napuspos sila ng matinding takot. Nasabing buhay nila ang magiging kapalit kung makatakas ang kanilang bilanggo, at dahilan dito ay naging higit silang alisto. Nang makarating doon ang mga opisyal upang kunin si Pedro, ang mga bantay ay naroroon pa sa pintuan ng kulungan, ang mga kandado at harang ay nakakabit pa, ang mga tanikala ay matibay pang nakakabit sa mga pulso ng dalawang sundalo; ngunit wala na ang bilanggo. AGA 114.4
Nang dalhin kay Herodes ang balita ng pagkatakas ni Pedro, siya ay nanlumo at nagalit. Pinaratangan ang mga bantay na nagkulang sa tungkulin, nag-utos itong sila ay patayin. Alam ni Herodes na hindi kapangyarihan ng tao ang nagpalaya kay Pedro, ngunit determinado siyang hindi kilalanin ang kapangyarihan ng langit ang pumigil sa kanyang balak, at tumayo itong matapang na lumalaban sa Dios. AGA 114.5
Di nagtagal matapos na si Pedro ay iligtas mula sa piitan, si Herodes ay nagtungo sa Cesarea. Habang naroroon ay nagkaroon ng malaking kapistahan upang gisingin ang paghanga at palakpak ng mga tao. Ang kapistahang ito ay dinaluhan ng mga taong mahilig sa kalayawan mula sa lahat ng dako, at nagkaroon ng malaking pagdiriwang at inuman. Sa dakilang seremonya at karangyaan si Herodes ay humarap sa bayan at nagsalita sa kanilang parang nagtatalumpati. May suot na damit na kumikinang sa pilak at ginto, na kumikislap sa tama ng sikat ng araw at hinangaan ng matang nagmamasid, siya ay larawan ng kagandahan. Ang kamahalan ng kanyang anyo at ang puwersa ng kanyang mga piling salita ay gumayuma sa nagkakatipon nang gayon na lamang. Ang kanilang pandama na lango sa pagkain at alak ay lalo pang nahilo sa mga dekorasyon, kilos at salita ni Herodes; at lasing sa pagbubunyi ay pinag-ukulan siya ng parangal, sa pagsasabing walang taong higit ang kaanyuan o mas mahusay mangusap kaysa kanya. Idinagdag pa ng mga ito na kung noon ay iginagalang siya bilang pinuno, ngayon ay maaari na siyang sambahin bilang isang diyos. AGA 114.6
Ang ilan sa mga tinig na ngayon ay lumuluwalhati sa isang masamang makasalanan ang ilang taon lamang ang lumipas ay nagsigawan ng, Kunin si Jesus! Ipako Siya sa krus, ipako Siya sa krus! Tumanggi ang mga Judiong tanggapin si Jesus, na ang mga kasuotang magaspang at marumi sa paglalakbay, ay nagtakip ng pusong may banal na pag-ibig. Hindi makita ng kanilang mga mata, sa loob ng hamak na panlabas, ang Panginoon ng buhay at luwalhati, bagama’t ang kapangyarihan ni Kristo ay nahayag sa kanila sa mga gawang hindi kaya ng sinumang tao. At ngayon ay handa silang sambahin bilang isang diyos ang isang mayabang at mapagmataas na hari na ang marangyang kasuotan ng pilak at ginto ay nagtatakip lamang ng isang masama at malupit na puso. AGA 115.1
Alam ni Herodes na hindi marapat sa kanya ang mga papuri at parangal na kaloob na ito, ngunit tinanggap niya ang pagsambang ito ng bayan bilang marapat. Ang kanyang puso ay tumibok sa tagumpay, at ang kislap ng nasisiyahang pagmamataas ay kumalat sa kanyang mukha habang narinig niya ang paglakas ng sigaw, “Ito ay tinig ng isang diyos, at hindi ng tao.” AGA 115.2
Datapuwat biglang-bigla isang pagbabago ang naganap sa kanya. Ang kanyang mukha ay nagmistulang bangkay, at nangiwi sa sakit. Malalaking patak ng pawis ay lumabas sa kanyang balat. Tumayo siyang sumandali na parang pinahihirapan ng kirot at takot; at pagbaling ng kanyang mukhang mapuda sa mga kaibigang nahintakutan, sumigaw siya sa tinig na walang buhay at malumbay, Siya na itinaas nila bilang isang diyos ay biglang dinalaw ng kamatayan. AGA 115.3
Naghihirap sa pinakamatinding kirot, binuhat siya mula sa tanawing iyon ng pagdiriwang at karangyaan. Hang sandali lamang siya ay mayabang na tumanggap ng parangal at pagsamba ng maraming taong iyon; ngayon ay nadama niyang siya ay nasa mga kamay ng isang Pinunong higit na makapangyarihan sa kanya. Panghihilakbot ay dumating sa kanya; naalaala niya ang walang tigil na pag-uusig niya sa mga alagad ni Kristo; naalaala niya ang malupit na utos niyang patayin ang walang kasalanang si Santiago, at ang pakana niyang ipapatay din si Pedro; naalaala niya kung paanong sa kanyang takot at galit dahilan sa kabiguan ay naghiganti siyang walang patawad sa mga bantay sa piitan. Nadama niyang ngayon ang Dios ay nakikitungo sa kanya, ang walang tigil na mang-uusig. Walang pahingang nadama niya ang kirot ng katawan at bagabag ng isip, at hindi siya umasang magkakaroon ng kapahingahan dito. AGA 116.1
Si Herodes ay nakakaalam sa utos ng Dios na nagsasabi, “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harapan Ko;” (Exodo 20:3) at alam din niyang sa pagtanggap niya ng pagsamba ng bayan naabot niya ang sukat ng kanyang kasamaan at dinala niya sa sarili ang galit ni Jehova. AGA 116.2
Ang anghel din na nanggaling sa makaharing korte upang iligtas si Pedro, ang naging mensahero ng galit at hatol kay Herodes. Hinipo ng anghel si Pedro upang ito ay gisingin; kakaibang paghipo ang ginawa nito sa masamang hari, na isinadlak ang kanyang pagmamataas at inihatid sa kanya ang parusa ng Makapangyarihan sa lahat. Si Herodes ay namatay sa malaking paghihirap ng isipan at katawan, sa ilalim ng kabayarang parusa ng Dios. AGA 116.3
Ang paghahayag na ito ng katarungan ng langit ay nagdulot ng makapangyarihang impluwensya sa bayan. Ang balitang ang apostol ng Dios ay mahimalang naligtas mula sa bilangguan at kamatayan, samantalang ang mang-uusig nito ay pinutol ng sumpa ng Dios, ay nadala sa lahat ng lupain at naging paraan ng pag-akay sa marami upang manampalataya kay Kristo. AGA 116.4
Ang karanasan ni Felipe, na inakay ng isang anghel mula sa langit upang makatagpo ang isang taong naghahanap ng katotohanan; si Cornelio, na dinalaw ng anghel taglay ang pabalita mula sa Dios; si Pedrong nahatulan ng kamatayan at nakabilanggo, na inakay ng anghel sa kaligtasan—lahat ay naghahayag ng kalapitan ng ugnayan ng langit at lupa. AGA 116.5
Sa manggagawa ng Dios ang tala tungkol sa mga pagdalaw na ito ng anghel ay dapat maghatid ng tapang at kalakasan. Ngayon, sa panahon ng mga alagad, mga mensahero ng langit ay dumaraan sa kahabaan at kalawakan ng lupain, upang bigyang ginhawa ang nalulumbay, ipagtanggol ang nagsisisi, at umakit ng mga puso ng tao kay Kristo. Hindi natin sila makikitang personal; gayunman ay kasama natin sila, pumapatnubay, umaakay, nagsasanggalang. AGA 117.1
Ang langit ay inilalapit sa lupa sa pamamagitan ng kahanga-hangang hagdanang ito, na ang puno ay matatag na nasa lupa, samantalang ang pinakamataas na baitang ay umaabot sa trono ng Walang Katapusan. Mga anghel ay patuloy na nagmamanhik-manaog sa hagdanang itong nagniningning, naghahatid ng mga dalangin ng nangangailangan at nagdurusa sa Ama sa itaas, at nagdadala ng pagasa at pagpapala, lakas ng loob at tulong, sa mga anak ng tao. Ang mga anghel na ito ng kaliwanagan ay lumilikha ng makalarigit na kapaligiran sa kaluluwa, na itinataas tayo doon sa hindi nakildta at sa walang hanggan. Hindi natin nakikita ang kanilang mga anyo sa ating sariling paningin; sa pamamagitan lamang ng espirituwal na paningin ay makikilala natin silang mga nilalang ng langit. Tanging ang pakinig na espirituwal ang makakapakinig ng himig ng mga tinig ng kalangitan. AGA 117.2
“Ang anghel ng Panginoon ay pumapalibot sa kanilang natatakot sa Kanya, at inililigtas sila.” Awit 34:7. Isinusugo ng Dios ang Kanyang mga anghel upang iligtas silang nasa mga kalamidad, upang ipagsanggalang sila sa mga “pesteng nasa kadiliman,” at “ang pagkawasak na namiminsala sa katanghaliang tapat.” Awit 91:6. Muli at muli ang mga anghel ay nakikipag-usap sa mga tao tulad ng isang tao sa kanyang kaibigan, at inaakay sila sa mga panatag na dako. Muli at muli ay narinig natin ang mga tinig ng anghel na nagpapasigla at nag-aangat ng mga diwang nanlulumo ng mga tapat, at inihahatid ang kanilang mga isipan mula sa mga bagay ng lupa, upang makita sa pananampalataya ang mapuputing damit, ang mga korona, ang mga palaspas ng tagumpay, na tatanggapin ng mga mananagumpay kapag sila ay pumalibot na sa dakilang puting trono. AGA 117.3
Gawain ng mga anghel na lumapit sa mga sinubok, nagdurusa, at tinukso. Walang pagod silang gumagawa sa kapakanan ng mga taong para sa kanila ay namatay si Kristo. Kapag ang mga makasalanan ay naakay na magkaloob ng mga sarili sa Tagapagligtas, dinadala ng mga anghel ang mabuting balitang ito sa langit, at dakilang kagalakan ang sumasa kalangitan. “Magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu’t siyam na taong matutuwid na di nangagkakailangang magsipagsisi.” Lucas 15:7. Isang ulat ang madadala sa langit sa bawat matagumpay na pagsisikap upang labanan ang kadiliman at ilaganap ang kaalaman tungkol kay Kristo. Habang ang mabuting gawa ay naipararating sa Ama, kagalakan ang magpupuno sa buong kalangitan. AGA 117.4
Ang mga kapangyarihan at kapamahalaan ng langit ay nagmamasid sa pagbabaka, na ipinagpapatuloy ng mga lingkod ng Dios kahit na sa mga pangyayaring nakakapanlumo. Mga bagong tagumpay at karangalan ay natatamo, habang ang mga Kristiano, ay nagsasanib sa palibot ng bandila ng kanilang Manunubos, humahayo upang makipagbaka ng mabuting paldldpagbaka ng pananampalataya. Lahat ng mga anghel ng langit ay naglilingkod sa mga hamak, na nananampalatayang bayan ng Dios; at habang ang hukbo ng Panginoon dito sa lupa ay inaawit ang kanilang mga awit ng papuri, ang koro sa itaas naman ay sumasanib sa kanila sa pag-uukol ng papuri sa Dios at sa Kanyang Anak. AGA 118.1
Dapat na higit nating maunawaan ang misyon ng mga anghel. Mabuting alalahaning ang bawat tunay na anak ng Dios ay taglay ang pakikipagtulungan ng mga nilalang ng kalangitan. Mga hukbo ng liwanag at kapangyarihang di nakikita ay naglilingkod sa maamo at abang nananampalataya at nag-aangkin ng mga pangako ng Dios. Mga kerubim at serapim, at mga anghel na taglay ang kalakasan, ay nakatayo sa kanang kamay ng Dios, “lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na isinusugo para sa kanilang magiging tagapagmana ng kaligtasan.” Hebreo 1:14. AGA 118.2