Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, upang ang iyong mga araw ay humaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos. Exodo 20:12. LBD 58.1
Ang mga tunay na susunod kay Cristo ay dapat na pahintulutan Siyang manahan sa kanilang mga puso, at iluklok Siya doon bilang hari. Kailangan nilang pangatawanan ang Kanyang Espiritu at likas sa kanilang buhay pangtahanan, at magpakita ng paggalang at kabutihan sa mga nakasasalamuha nila. Maraming mga bata ang nag-aangking kumikilala sa katotohanan, ngunit hindi nagbibigay ng nararapat na karangalan at pagmamahal sa kanilang mga magulang, na nagpapakita ng kakaunting pag-ibig sa ama at ina, at nabibigong parangalan sila sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang mga ginugusto, o sa pagsisikap na pagaanin ang kanilang paghihirap. Maraming nag-aangking Cristiano ang hindi nakauunawa sa kahulugan ng “igalang mo ang iyong ama’t ina,” at hindi rin dahil dito makaaalam sa kahulugan ng “ang iyong mga araw ay humaba sa lupaing ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.”. . . Nababatid ng Mananaliksik ng mga puso ang inyong saloobin para sa inyong mga magulang; dahil tinitimbang Niya ang likas na moral sa ginintuang timbangan ng makalangit na santuwaryo. O, aminin ninyo ang inyong paglimot sa inyong mga magulang, angkinin ninyo ang inyong kawalan ng pagkalinga sa kanila at ang inyong paghamak sa banal na kautusan ng Diyos.— The Youth’s Instructor, June 22, 1893. LBD 58.2
Ang mga magulang ay may karapatan sa isang antas ng pag-ibig at paggalang na hindi ibinibigay sa ibang tao. Itinalaga mismo ng Diyos, na Siyang nagbigay sa kanila ng pasanin para sa mga kaluluwang ipinagkatiwala sa kanila, na sa mga unang taon ng buhay, ay tatayo ang mga magulang sa lugar ng Diyos para sa kanilang mga anak. At ang mga tumatanggi sa nararapat na awtoridad ng kanyang mga magulang, ay tumatanggi sa awtoridad ng Diyos. Hinihingi ng ikalimang utos sa mga bata na hindi lamang magbigay galang, magpasakop, at sumunod sa kanilang mga magulang, kundi magbigay di sa kanila ng pag-ibig at pagmamalasakit, upang pagaanin ang kanilang mga pasanin, upang bantayan ang kanilang reputasyon, at pangalagaan at aliwin sila sa kanilang katandaan.— Patriarchs and Prophets, p. 308. LBD 58.3
Umiiral ang ikalimang utos sa mga anak habang sila at ang kanilang mga magulang ay nabubuhay.— The Youth’s Instructor, September 1, 1873. LBD 58.4