Nang sila'y nagkakatipon, siya'y kanilang tinanong, “Panginoon, ito ba ang panahon na panunumbalikin mo ang kaharian sa Israel?” At sinabi niya sa kanila, “Hindi ukol sa inyo na malaman ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa pamamagitan ng kanyang sariling awtoridad,” Mga Gawa 1:6, 7, TKK 327.1
Nasasabik ang mga alagad na malaman ang eksaktong oras ng pagkahayag ng kaharian ng Diyos, ngunit sinabi sa kanila ni Jesus na hindi nila malalaman ang mga oras at mga panahon; sapagkat hindi ito inihayag ng Ama. Ang maunawaan kung kailan ang Kaharian ng Diyos maipapanauli ay hindi ang pinakamahalagang bagay na dapat nilang malaman. Kailangan silang matagpuang sumusunod sa Panginoon, nananalangin, naghihintay, nagbabantay, at gumagawa. Magiging kinatawan sila ng karakter ni Cristo sa sanlibutan. TKK 327.2
Yaong kung alin ang mahalaga sa Cristianong karanasan sa panahon ng mga alagad ay mahalaga sa ating panahon. “At sinabi niya sa kanila, “Hindi ukol sa inyo na malaman ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa pamamagitan ng kanyang sariling awtoridad. Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu- duluhang bahagi ng lupa” (Mga Gawa 1:7, 8). TKK 327.3
Ito ang gawain kung saan dapat tayo maging bahagi. Sa halip na mabuhay na umaasa sa ilang espesyal na panahon ng kagalakan, matalino nating palaguin ang kasalakuyang oportunidad, na ginagawa ang dapat gawin upang maligtas ang mga kaluluwa. Sa halip na ubusin ang kalakasan ng ating isip sa paghihintay sa mga may kinalaman sa mga haka-haka tungkol sa mga araw at mga panahong inilagay ng Panginoon sa sarili Niyang kapangyarihan, at hindi ibinigay sa mga tao, dapat nating isuko ang ating mga sarili sa pangunguna ng Espiritu, para gawin ang kasalukuyang tungkulin, na magbigay ng tinapay ng buhay, na hindi hinaluan ng mga opinyon ng tao sa mga kaluluwang napapahamak para sa katotohanan. TKK 327.4
Palaging handa si Satanas para punan ang kaisipan ng mga teorya at kalkulasyong maghihiwalay sa mga tao mula sa kasalukuyang katotohanan, at alisan sila ng karapatan para sa pagbibigay ng mensahe ng tatlong anghel sa sanlibutan.— REVIEW AND HERALD, MARCH 22,1892. TKK 327.5