“Kayo'y manatili sa Akin, at Ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit sa puno, gayundin naman kayo, malibang kayo'y manatili sa Akin.” Juan 15:4. TKK 58.1
Kailangan nating manalangin na ibigay ang Banal na Espiritu bilang gamot sa kaluluwang may sakit na kasalanan. Ang mga pang-ibabaw lang na katotohanan ng kapahayagan, na ginawang malinaw at madaling maunawaan, ay tinatanggap ng marami na siya nang nagbibigay ng lahat ng kinakailangan; subalit ginigising ng Banal na Espiritung gumagawa sa isipan ang masikap na paghahangad para sa katotohanang hindi nabahiran ng kamalian. Ang tao na talagang gustong malaman ang katotohanan ay hindi maaaring manatili sa kawalang-alam; sapagkat ibinibigay ang mahahalagang katotohanan bilang gantimpala sa naghahanap. Kailangan nating maramdaman ang humihikayat na kapangyarihan ng biyaya ng Diyos, at hinihimok ko ang lahat ng nagsarado ng kanilang puso sa Espiritu ng Diyos na buksan ang pintuan, at taimtim na makiusap na, “Manatili Ka sa akin.” Bakit hindi tayo magpatirapa sa trono ng banal na biyaya, nananalangin na ibuhos nawa sa atin ang Espiritu ng Diyos gaya ng pagbuhos nito sa mga alagad? Palalambutin ng presensiya nito ang matitigas nating puso, at pupunuin tayo ng katuwaan at pagdiriwang, binabago tayo sa pagiging mga daluyan ng pagpapala. TKK 58.2
Gusto ng Panginoon na ang bawat isa sa Kanyang mga anak ay maging mayaman sa pananampalataya, at ang pananampalatayang ito'y bunga ng paggawa ng Banal na Espiritu sa isipan. Nananahan ito sa bawat kaluluwang tatanggap dito, na nakikipag-usap sa mga ayaw magsisi sa mga salita ng babala, at itinuturo sila kay Jesus, ang Tupa ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Pinasisikat nito ang liwanag sa mga isipan nung mga nagsisikap na makipagtulungan sa Diyos, na binibigyan sila ng kasanayan at karunungan para magampanan ang Kanyang gawain. TKK 58.3
Hindi pinababayaan ng Banal na Espiritu na hindi natutulungan ang kaluluwang umaasa kay Jesus. Kinukuha nito ang mga bagay mula kay Cristo, at ipinapakita ang mga ito sa naghahanap. At kung nananatiling nakapako ang paningin kay Jesus, hindi tumitigil ang paggawa ng Espiritu hanggang sa ang kaluluwa'y maging katulad ng larawan ni Jesus. Sa pamamagitan ng mabiyayang impluwensya ng Espiritu, nababago ang espiritu at layunin ng makasalanan hanggang nagiging kaisa siya ni Cristo. Nadaragdagan ang pagmamahal niya sa Diyos; nagugutom at nauuhaw siya para sa katuwiran, at sa pamamagitan ng pagtingin kay Cristo nababago siya mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, mula sa karakter tungo sa karakter, at nagiging higit na kagaya ng kanyang Panginoon.— SIGNS of THE TIMES, September 27,1899. TKK 58.4