At kayo'y kumpleto sa Kanya, na Siyang ulo ng lahat ng pamunuan at kapangyarihan, Colosas 2:10, TKK 60.1
Hindi ka makapapasok sa langit nang may depekto o kakulangan sa karakter, at kailangan kang gawing karapat-dapat sa langit ngayon, sa buhay na ito ng palugit. Kung gusto mong pumasok sa tahanan ng katuwiran pagdating ni Cristo, kailangan mo ang malalalim na pagkilos ng Espiritu ng Diyos, upang magkaroon ka ng pansariling karanasan, at maging kumpleto sa Kanya na Siyang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan (Colosas 2:9). TKK 60.2
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng katuwiran ni Cristo, kailangan nating layuan ang lahat ng kasamaan. Kailangang magkaroon ng buhay na koneksyon ang kaluluwa sa Manunubos. Dapat na palaging bukas ang daluyan ng komunikasyon sa pagitan ng tao at ng kanyang Diyos, upang lumago ang kaluluwa sa biyaya at sa pagkakilala sa Panginoon. Pero gaano karami ang hindi nananalangin. Dama nila ang kahatulan dahil sa kasalanan, at iniisip nilang hindi sila dapat lumapit sa Diyos hanggang sa may nagawa muna sila para makuha ang Kanyang pabor, o hanggang sa makalimutan na ng Diyos ang kanilang mga paglabag. Sabi nila, “Hindi ako makapagtataas ng mga banal na kamay sa harapan ng Diyos nang walang galit o pag-aalinlangan, kaya nga't hindi ako makalalapit.” Kaya't lumalayo sila kay Cristo, at palaging nagkakasala dahil dito, dahil kung wala Siya wala kang magagawa kundi kasamaan. TKK 60.3
Pagkatapos na pagkatapos mong magkasala, punta ka dapat agad sa trono ng biyaya, at sabihin ito kay Jesus. Dapat kang mapuno ng kalungkutan dahil sa kasalanan, sapagkat sa pamamagitan ng kasalanan ay pinanghina mo ang sarili mong espiritwalidad, pinalungkot mo ang mga makalangit na anghel,at sinugata't ginalusan mo ang mapagmahal na puso ng iyong Manunubos. TKK 60.4
Kung sa pagsisisi ng kaluluwa ay magsumamo ka kay Jesus para sa Kanyang pagpapatawad, maniwala ka na pinatawad ka na Niya. Huwag kang magalinlangan sa Kanyang banal na kahabagan, o tanggihan ang kaaliwan ng walang-hanggan Niyang pag-ibig. TKK 60.5
Kung sinuway ka ng anak mo, at nakagawa ng mali sa iyo, at lumapit ang batang iyon na umiiyak para humingi ng tawad, alam mo ang iyong gagawin. Alam mo kung gaano kabilis mong ilalapit ang anak mo sa iyong puso, at titiyakin sa kanya na hindi nagbago ang iyong pagmamahal, at napatawad na ang kanyang mga pagsuway. Higit ka bang maawain kaysa sa maawain mong Ama sa langit, na gayon na lamang ang pagmamahal sa sanlibutan na Kanyang “ibinigay ang Kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa Kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”? (Juan 3:16). Dapat kang lumapit sa Diyos gaya ng paglapit ng mga bata sa kanilang mga magulang.— THE BIBLE ECHO, February 1,1892. TKK 60.6