“Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at matuto kayo sa Akin; sapagkat Ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa,” Mateo 11:29. TKK 61.1
Habang lumalakad ka sa kaamuan at kapakumbabaan ng puso, nagpapatuloy ang isang gawain para sa iyo, isang gawain na tanging Diyos lamang ang makagagawa; sapagkat ang Diyos ang gumagawa sa inyo parehong sa pagnanais at sa paggawa ng mabuti Niyang kalooban (Filipos 2:13). At ang mabuting kaloobang iyon ay ang manahan ka kay Cristo, at magpahinga sa Kanyang pag-ibig. Hindi mo dapat payagan ang anumang bagay na nakawin sa iyong kaluluwa ang kapayapaan, ang kapahingahan, ang katiyakan na tinatanggap ka ngayon na mismo. Gamitin mo ang bawat pangako; lahat ay sa iyo sa kondisyong susunod ka sa mga itinakdang kasunduan ng Panginoon. Ang lubusang pagsuko ng iyong mga paraan, na para bang napakatatalino, at ang paggamit sa mga paraan ni Cristo ay siyang lihim ng lubos na kapahingahan sa Kanyang pag-ibig. TKK 61.2
Ang pagsuko ng buhay sa Kanya ay higit pa ang ibig sabihin kaysa sa inaakala natin. Kailangan nating matutuhan ang Kanyang kaamuan at kapakumbabaan bago natin makita ang katuparan ng pangakong “Makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.” Nababago ang sarili sa pamamagitan ng pagkatuto ng mga nakasanayan ni Cristo, ng Kanyang kaamuan, ng Kanyang kapakumbabaan—sa pamamagitan ng pagpasan sa pamatok ni Cristo at pagkatapos ay pagpapasakop para matuto. Walang sinuman na hindi kailangang matuto nang marami. Lahat ay dapat mapasailalim ng pagsasanay ni Jesu-Cristo. Kapag lumagpak sila kay Cristo, ang mga sarili nilang namana at nahubog na pag-uugali ay inaalis bilang mga hadlang sa pagiging kabahagi nila ng banal na likas. Kapag namatay ang sarili, si Cristo ngayon ay mabubuhay sa instrumentong tao. Siya'y nananatili kay Cristo, at si Cristo'y nakatira sa kanya. TKK 61.3
Gusto ni Cristo na ang lahat ay maging mag-aaral Niya. Sinasabi Niya, “Ibigay ninyo ang inyong sarili sa Aking pagsasanay; ipasakop ninyo ang inyong kaluluwa sa Akin. Hindi ko kayo papatayin, kundi tatrabahuin para sa inyo ang gayon kagandang karakter anupa't kayo'y malilipat mula sa mababang paaralan tungo sa mas mataas na antas. Isuko ninyo ang lahat ng bagay sa Akin. Hayaan ninyong ang Aking buhay, ang Aking pagpapasensya, ang Aking pagtitiis, ang Aking pagpipigil, ang Aking kaamuan, ang Aking kapakumbabaan ay maisagawa sa inyong karakter, bilang isang nananatili sa Akin.”... Kung gayo'y nasa inyo hindi lamang ang pangakong, “Bibigyan Ko kayo,” kundi “Makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.”— BIBLE TRAINING SCHOOL, August 1,1903 . TKK 61.4