At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na siyang Espiritu, 2 Corinto 3:18, TKK 62.1
Mga kaluluwang nahihirapan at nabibigatan sa kasalanan, si Jesus sa naluwalhati Niyang pagkatao ay umakyat sa kalangitan upang mamagitan para sa atin. “Sapagkat tayo'y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma'y walang kasalanan. Kaya't lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya” (Hebreo 4:15, 16). Dapat parati tayong nakatingin kay Jesus, na siyang May-akda at Tagatapos ng ating pananampalataya (Hebreo 12:2); dahil sa pagtingin sa Kanya tayo'y mababago sa Kanyang larawan, ang ating karakter ay gagawing gaya ng sa Kanya. Dapat tayong magalak na ang lahat ng kahatulan ay ibinibigay sa Anak, dahil sa Kanyang pagiging tao ay naranasan Niya ang lahat ng kahirapang pumapaligid sa tao. TKK 62.2
Ang mapabanal ay pagiging kabahagi ng banal na likas, na nahahagip ang espiritu at pag-iisip ni Jesus, laging natututo sa paaralan ni Cristo. “At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na siyang Espiritu.” Imposible para sa sinuman sa atin sa pamamagitan ng sarili nating lakas o sarili nating mga pagsisikap na isagawa ang pagbabagong ito sa ating sarili. Ang Banal na Espiritu, ang Mang-aaliw, na sinabi ni Jesus na ipapadala Niya sa sanlibutan, ang nagbabago sa ating karakter sa larawan ni Cristo; at kapag naisagawa ito, ipapakita natin, kagaya ng salamin, ang kaluwalhatian ng Panginoon. Ibig sabihin, ang karakter ng taong tumitingin nang ganyan kay Cristo ay kagayang-kagaya Niya, anupa't ang nakikita ng tumitingin sa kanya ay ang karakter ni Cristo na nagliliwanag na para bang mula sa salamin. Hindi natin napapansin, nababago tayo araw-araw mula sa sarili nating mga paraan at kalooban tungo sa mga paraan at kalooban ni Cristo, tungo sa kagandahan ng Kanyang karakter. Ganyan tayo lumalago kay Cristo, at di-namamalayang naipapakita na ang Kanyang larawan. TKK 62.3
Masyadong nananatiling malapit ang mga nagsasabing Kristiyano sa mga mabababang lugar sa lupa. Nasanay ang kanilang mga mata na tumingin lamang sa mga pangkaraniwang bagay, at binubulay-bulay ng kanilang isipan ang mga bagay na nakikita ng kanilang mga mata. Madalas na mababaw at hindi kasiya-siya ang karanasan nilang panrelihiyon, at walang-kuwenta't walang- kahalagahan ang kanilang mga salita. Paano maipapakita ng mga ganyan ang larawan ni Cristo? Paano nila maitatanglaw ang maliliwanag na sinag ng Araw ng Katuwiran sa lahat ng madidilim na lugar sa lupa? Ang pagiging Kristiyano ay pagiging kagaya ni Cristo.— REVIEW AND HERALD, April 28,1891. TKK 62.4