Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili, Laban sa mga ito ay walang kautusan, Galacia 5:22,23, TKK 74.1
Kung nananahan si Cristo sa atin, magiging mga Kristiyano tayo rito sa tahanan gayundin sa malalayo. Ang Kristiyanong tao ay magkakaroon ng mababait na salita para sa kanyang mga kamag-anak at kasamahan. Siya'y magiging mabait, magalang, mapagmahal, madamayin, at tuturuan ang kanyang sarili para sa isang tahanan kasama ng sambahayan sa itaas. Kung kaanib siya ng makaharing pamilya, kakatawanin niya ang kahariang pupuntahan niya. Magsasalita siya nang may kahinahunan sa kanyang mga anak, sapagkat mauunawaan niya na sila rin ay mga tagapagmana ng Diyos, mga kaanib ng makalangit na bulwagan. Sa kalagitnaan ng mga anak ng Diyos ay walang espiritu ng karahasang nananahanan; sapagkat “ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, pagpipigil, laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan.” Ang espiritung itinatangi sa tahanan ay siya ring espiritung ipapakita sa simbahan. TKK 74.2
O, kailangan nating turuan ang kaluluwa na maging mahabagin, mahinahon, mapagmahal, puno ng pagpapatawad at pag-ibig. Habang isinasaisantabi natin ang lahat ng kapalaluan, lahat ng kalokohang pagsasalita, pagbibiro, at pagpapatawa, hindi naman tayo dapat maging malamig, walang-paki, at walang-pakisama. Ang Espiritu ng Panginoon ay dapat tumahan sa iyo hanggang sa maging katulad ka ng mabangong bulaklak sa hardin ng Diyos. Magsalita ka lang dapat lagi ng tungkol sa liwanag, tungkol kay Jesus, ang Araw ng Katuwiran, hanggang sa mabago ka mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, mula sa karakter tungo sa karakter, na humahayo mula sa kalakasan tungo sa kalakasan, at ipinapakita pa lalo ang mahalagang larawan ni Jesus. Kapag ginawa mo ito, isusulat ng Panginoon sa mga aklat ng langit, “Magaling,” dahil kinakatawanan mo si Jesus. TKK 74.3
Ang mga Kristiyano ay hindi dapat maging matigas ang puso at mahirap lapitan; kailangang makita si Jesus sa ating pagkilos, at tayo'y dapat magkaroon ng karakter na pinaganda ng mga biyaya ng kalangitan. Ang presensiya ng Diyos ay dapat maging nananatiling presensiya sa atin; at saan man tayo naroroon, kailangan nating dalhin ang liwanag sa sanlibutan. Kailangang madama ng mga nasa palibot mo na ang kapaligiran ng langit ay nakapalibot sa iyo.— REVIEW AND HERALD, September 20,1892. TKK 74.4