“Subalit sinasabi Ko sa inyo, na sa araw ng paghuhukom ay pananagutan ng mga tao ang bawat salita na binigkas na walang ingat. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong mga salita ay pawawalang-sala ka at sa pamamagitan ng iyong salita ay mahahatulan ka,” Mateo 12:36, 37. TKK 75.1
Gusto ng Diyos na ang bawat isa sa atin ay dumating sa kalagayang maibibigay Niya sa atin ang Kanyang pag-ibig. Binigyan Niya ng mataas na halaga ang tao at tinubos tayo sa pamamagitan ng sakripisyo ng Kanyang bugtong na Anak, at kailangan nating makita ang ating kapwa bilang binili ng dugo ni Cristo. Kung nasa atin itong pagmamahal na ito para sa isa't isa, lalago tayo sa pagmamahal sa Diyos at sa katotohanan. Nasasaktan ang ating puso na makita kung gaano kaunting pag-ibig ang iniingatan sa ating kalagitnaan. Ang pag-ibig ay isang halaman na nagmula sa langit, at kung gusto natin itong yumabong sa ating mga puso, kailangan natin itong alagaan araw-araw. Kabaitan, kahinahunan, pagpapasensya, hindi madaling magalit, pagtitiis sa lahat ng bagay, pagbabata ng lahat—ito ang mga bunga sa mahalagang puno ng pag-ibig. TKK 75.2
Kapag nagsasama-sama kayo, maging maingat kayo sa inyong mga salita. Ang inyong mga usapan ay maging gayon ang likas na anupa't hindi ninyo kakailanganing pagsisihan. “At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Diyos, na sa pamamagitan Niya kayo'y tinatakan para sa araw ng pagtubos” (Efeso 4:30). “Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabubuting bagay mula sa kanyang mabuting kayamanan, at ang masamang tao ay naglalabas ng masasamang bagay mula sa kanyang masamang kayamanan” (Mateo 12:35). Kung nasa iyong puso ang pagmamahal sa katotohanan, ang sasabihin mo ay ang tungkol sa katotohanan. Magsasalita ka tungkol sa mapalad na pag-asa na nasa iyo kay Jesus. Kung may pagmamahal sa puso mo, sisikapin mong patatagin at palakasin ang iyong kapatiran sa pinakabanal na pananampalataya (Judas 1:20). Kung may binitawang salitang nakapipinsala sa karakter ng iyong kaibigan o kapatid, huwag ninyong himukin ang ganitong pagsasalita ng masama. Ito'y gawain ng kaaway. Malumanay ninyong paalalahanan ang nagsalita na ipinagbabawal ng Salita ng Diyos ang ganitong uri ng usapan. TKK 75.3
Kailangang alisin natin sa puso ang lahat ng nagpaparumi sa kaluluwang templo, upang makapanirahan si Cristo sa loob natin. Sinabi sa atin ng ating Manunubos kung paano natin Siya maihahayag sa sanlibutan. Kung pakaiingatan natin ang Kanyang Espiritu, kung ipinakikita natin ang Kanyang pagmamahal sa iba, kung babantayan natin ang kapakanan ng isa't isa, kung tayo'y mabait, mapagpasensya, at mapagpahinuhod, magkakaroon ng katibayan ang sanlibutan sa pamamagitan ng mga bunga natin na tayo nga'y mga anak ng Diyos. Ang pagkakaisa sa iglesya ang nagbibigay dito ng kapangyarihan na magkaroon ng namamalayang impluwensya sa mga di-sumasampalataya at makasanlibutan.— REVIEW AND HERALD, June 5,1888. TKK 75.4