Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita, Hebreo 11:1. TKK 76.1
Sa paglapit kay Cristo, kailangan ang pagsasanay ng pananampalataya. Kailangan natin Siyang dalhin sa araw-araw nating buhay; sa gayo'y magkakaroon tayo ng kapayapaan at katuwaan, at malalaman natin sa pamamagitan ng karanasan ang kahulugan ng Kanyang sinabi, “Kung tinutupad ninyo ang Aking mga utos, ay mananatili kayo sa Aking pag-ibig gaya ng Aking pagtupad sa mga utos ng Aking Ama, at Ako'y nananatili sa Kanyang pag-ibig” (Juan 15:10). Kailangang angkinin ng ating pananampalataya ang pangakong ito, upang makapanatili tayo sa pag-ibig ni Jesus. Sabi ni Jesus, “Ang mga bagay na ito ay sinabi Ko sa inyo upang ang Aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos” (talatang 11). TKK 76.2
Gumagawa ang pananampalataya sa pamamagitan ng pag-ibig at dinadalisay ang kaluluwa. Sa pamamagitan ng pananampalataya, nakapapasok ang Banal na Espiritu sa puso, at lumilikha ng kabanalan doon. Hindi magiging ahensya ang tao para magampanan ang mga gawain ni Cristo malibang siya'y may pakikiisa sa Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Maiaangkop lamang tayo sa langit sa pamamagitan ng pagbabago ng karakter; kailangang mapasaatin ang katuwiran ni Cristo bilang kredensyal natin, kung gusto nating makalapit sa Ama. Kailangan nating maging kabahagi ng banal na likas, na nakatakas sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa (2 Pedro 1:4). Dapat araw-araw tayong binabago ng impluwensya ng Banal na Espiritu; sapagkat gawain ng Banal na Espiritu na iangat ang panlasa, pabanalin ang puso, at parangalin ang buong pagkatao, sa pamamagitan ng paghaharap sa kaluluwa ng walang-katulad na kagandahan ni Jesus. TKK 76.3
Kailangan nating masdan si Cristo, at sa pamamagitan ng pagtingin ay mabago. Dapat tayong lumapit sa Kanya, na gaya sa isang bukal na bukas para sa lahat at hindi-nauubusan, na puwede nating inuman nang paulit-ulit, at lagging nakasusumpong ng sariwang suplay. Dapat tayong tumugon sa pagpapalapit ng Kanyang pag-ibig, kumain ng Tinapay ng Buhay na bumaba galing sa langit, at uminom ng Tubig ng Buhay na umaagos mula sa trono ng Diyos. Dapat tayong laging nakatingin sa itaas, upang maitali tayo ng pananampalataya sa trono ng Diyos. Huwag kang tumingin sa ibaba, na para bang sa lupa ang punta mo. Huwag mong pamalagiin ang pagsusuri sa iyong pananampalataya, na binubunot itong parang bulaklak, para makita kung meron na ba itong ugat. Lumalago lang ang pananampalataya nang hindi namamalayan.— THE BIBLE ECHO, February 15,1893. TKK 76.4