Na may lubos na kapakumbabaan at kaamuan, may pagtitiyaga, na magparaya sa isa't isa sa pag-ibig, Efeso 4:2, TKK 77.1
Inaanyayahan kitang tumingin sa Tao ng Kalbaryo. Tingnan mo Siya na ang ulo'y pinutungan ng koronang tinik, na pumasan sa krus ng kahihiyan, na lumakad nang pautay-utay sa daan ng panghahamak. Tingnan mo Siya na isang Taong nagdurusa, at sanay sa kalungkutan; na hinamak at itinakwil ng mga tao. “Tunay na Kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan” (Isaias 53:3, 4). “Ngunit Siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway, Siya'y binugbog dahil sa ating mga kasamaan; ipinataw sa Kanya ang parusa para sa ating kapayapaan, at sa pamamagitan ng Kanyang mga latay ay gumaling tayo” (talatang 5). Tumingin ka sa Kalbaryo hanggang sa matunaw ang puso mo sa kamangha-manghang pagmamahal ng Anak ng Diyos. Wala Siyang iniwanang hindi natapos para maiangat at madalisay ang nagkasalang tao. TKK 77.2
At hindi ba tayo magpapahayag ng kasalanan sa Kanya? Ibababa ba ng relihiyon ni Cristo ang tatanggap dito? Hindi; hindi paglala ang sumunod sa mga yapak ng Tao ng Kalbaryo. Umupo tayo araw-araw sa paanan ni Jesus, at matuto tayo sa Kanya, upang sa ating pakikipag-usap, sa ating asal, sa ating pananamit, at sa lahat ng ating mga gawain, maipakita natin ang katotohanan na namumuno at naghahari nga sa atin si Jesus. Tinatawagan tayo ng Diyos na lumakad sa landas na inilatag para sa mga tinubos ng Panginoon. Hindi tayo dapat lumakad sa sanlibutan. Kailangan nating isuko ang lahat sa Diyos, at ipahayag si Cristo sa mga tao. TKK 77.3
“Ngunit sinumang magkaila sa Akin sa harapan ng mga tao, ay ipagkakaila Ko rin naman sa harapan ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 10:33). Anong karapatan natin para magsabing tayo'y mga Kristiyano gayong ipinagkakaila naman ang ating Panginoon sa buhay at sa gawa? “Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin. Ang nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakatagpo nito” (talatang 38, 39). Araw-araw kailangang tanggihan natin ang ating sarili, itaas ang krus at sumunod sa mga yapak ng Panginoon. TKK 77.4
O, sana'y dumating sa inyo ang bautismo ng Banal na Espiritu, upang kayo'y mapuspos ng Espiritu ng Diyos! Kung magkagayon araw-araw ay lalo kayong magiging kaayon ng larawan ni Cristo, at sa bawat pagkilos sa inyong buhay, ang magiging tanong ay, “Maluluwalhati ba nito ang aking Panginoon?” Sa pamamagitan ng matiyagang pagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, pagsisikapan mo ang kaluwalhatian at karangalan, at tatanggapin ang regalong kawalang-kamatayan.— REVIEW AND HERALD, May 10,1892 . TKK 77.5