Kaya kung kayo man ay kumakain, umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos. 1 Corinto 10:31. TKK 78.1
Hinihingi ng Diyos sa lahat ng tao na ibigay ang kanilang mga katawan sa Kanya bilang haing buhay, hindi patay o naghihingalong alay, isang sakripisyong pinahihina at pinupuno ng karumihan at karamdaman ng sarili nilang kagagawan. Nanawagan ang Diyos para sa sakripisyong buhay. Ang katawan, sabi Niya sa atin, ay templo ng Banal na Espiritu, isang tirahan ng Kanyang Espiritu, at ipinag-uutos Niya na pangalagaan ng lahat ng nagtataglay ng Kanyang larawan ang kanilang mga katawan para sa layunin ng paglilingkod sa Kanya at para sa Kanyang kaluwalhatian. “Kayo ay hindi sa inyong sarili?” sabi ng kinasihang apostol, “Sapagkat kayo'y binili sa isang halaga, kaya't luwalhatiin ninyo ang Diyos ng inyong katawan at ng inyong espiritu, na pawang mga pag-aari ng Diyos” (1 Corinto 6:19, 20). Para magawa ito, idagdag ninyo sa kabutihan ang kaalaman, at sa kaalaman ang pagpipigil, at sa pagpipigil ang pagtitiis (2 Pedro 1:5, 6). TKK 78.2
Isang tungkulin ang alamin kung paano iingatan ang katawan sa pinakamabuting kalagayan ng kalusugan, at isang sagradong tungkulin ang mamuhay ayon sa liwanag na mabiyayang ibinigay ng Diyos. Kung ipipikit natin ang ating mga mata sa liwanag dahil sa takot na makikita natin ang ating mga kamalian, na ayaw naman nating iwanan, hindi nababawasan ang ating mga kasalanan kundi nadaragdagan pa nga. Kapag tinanggihan ang liwanag sa isang kalagayan, ito'y babale-walain din sa iba pang kalagayan. TKK 78.3
Kasalanan din ang labagin ang mga batas ng ating katawan gaya ng paglabag sa isa sa mga Sampung Utos, sapagkat hindi natin magagawa ang alinman dito nang hindi nilalabag ang kautusan ng Diyos. Hindi natin puwedeng mahalin ang Panginoon nang buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas natin samantalang minamahal naman natin ang ating mga hilig at mga panlasa nang lalong higit kaysa sa pagmamahal natin sa Panginoon (Mareos 12:30). Araw-araw nating binabawasan ang lakas nating luwalhatiin ang Diyos, samantalang ang hinihingi Niya ay ang ating buong lakas at buong pag-iisip. Sa pamamagitan ng ating mga maling gawi, pinahihina natin ang kapit natin sa buhay, pero sinasabi nating tagasunod tayo ni Cristo, at naghahanda raw para sa pantapos na lapat ng walang-hanggang buhay.... TKK 78.4
Suriin n'yong mabuti ang sarili n'yong mga puso, at sa inyong buhay ay gayahin ang di-nagkakamaling Tularan, at magiging maayos ang lahat sa inyo. Ingatan ninyo ang isang malinis na konsensya sa harapan ng Diyos. Luwalhatiin ninyo ang Kanyang pangalan sa lahat ninyong ginagawa. Alisin ninyo sa inyong sarili ang pagkamakasarili at makasariling pag-ibig.— TESTIMONIES fOR THE CHURCH, vol. 2, pp. TKK 78.5