Ilawan sa aking mga paa ang salita Mo, at liwanag sa landas ko. Awit 119:105. TKK 121.1
Ang pagpapabanal ay hindi lang isang masayang damdamin, hindi gawaing panandalian, kundi gawaing pang-habambuhay. Kung may nag-aangking pinabanal siya ng Panginoon, makikita ang patunay ng kanyang pag-aangkin ng pagpapala sa mga bunga ng kaamuan, pagtitiyaga, pagtitiis, katapatan, at pag-ibig. Kung ang pagpapalang tinanggap ng mga nag-aangking pinabanal ay humahantong sa pagtitiwala nila sa isang partikular na damdamin at pagsasabing hindi na kailangan ng pananaliksik ng Kasulatan upang malaman nila ang nahayag na kalooban ng Diyos, kung gayo'y bulaan ang ipinapalagay na pagpapala, sapagkat inaakay silang ilagak ang kanilang pagtitiwala sa sarili nilang mga di-malilinis na damdamin at haka-haka, at magbingi-bingihan sa tinig ng Diyos sa Kanyang Salita. TKK 121.2
Bakit kailangang ipalagay ng mga nag-aangking nagkaroon sila ng natatanging pagpapakita ng Espiritu at ng patotoo na napatawad na ang lahat ng kanilang mga kasalanan, na maisasantabi nila ang Biblia, at mula ngayo'y lumakad nang mag-isa? Kapag tinatanong natin silang nag-aangkin na biglang napabanal kung sinasaliksik nila ang Kasulatan katulad ng sinabi sa kanila ni Jesus, upang makita kung may karagdagang katotohanang kailangan nilang tanggapin, sumasagot silang, “Ipinapaalam ng Diyos ang Kanyang kalooban nang diretsahan sa amin sa pamamagitan ng mga natatanging tanda at pahayag, at magagawa naming isantabi ang Biblia.” TKK 121.3
Libu-libo ang nalilinlang sa pamamagitan ng pagtitiwala sa ilang natatanging damdamin, at pagbabalewala sa Salita ng Diyos. Hindi sila nagtatayo sa tanging ligtas at tiyak na pundasyon—ang Salita ng Diyos. Magpapakita ng mga makatuwirang patunay ng katotohanan nito ang relihiyong nakalaan sa mga nilalang na may pag-iisip, dahil magkakaroon ng maliwanag na bunga sa puso at karakter. Mahahayag ang biyaya ni Cristo sa kanilang pang-araw-araw na gawi. Ligtas nating matatanong ang mga nag-aangkin ng pagpapabanal ng, Nahahayag ba ang mga bunga ng Espiritu sa iyong buhay? Nagpapakita ka ba ng kaamuan at pagpapakumbaba ni Cristo, at ipinapakita ang katotohanang araw-araw kang natututo sa paaralan ni Cristo, na hinuhulma ang iyong buhay ayon sa huwaran ng Kanyang di-makasariling buhay? TKK 121.4
Ang pinakamabuting patunay na maaaring makamit ng sinuman sa atin ng ating ugnayan sa Diyos ng kalangitan ay kung iniingatan natin ang Kanyang mga utos. Ang pinakamabuting patunay ng pananampalataya kay Cristo ay ang kawalan ng pagtitiwala sa sarili at pagtitiwala sa Diyos. Ang tanging mapagkakatiwalaang patunay ng ating pananatili kay Cristo ay ang isalamin ang Kanyang wangis. Habang nagagawa natin ito, nakapagbibigay tayo ng patunay na tayo'y pinabanal sa pamamagitan ng katotohanan, sapagkat nailalarawan ang katotohanan sa ating pang-araw-araw na buhay.— SIGNS OF THE TIMES, February 28,1895. TKK 121.5