Samantalang si Apolos ay nasa Corinto, si Pablo ay dumaan sa mga dakong loob ng lupain at nakarating sa Efeso. Doon ay nakatagpo siya ng ilang mga alagad. At sinabi niya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y nanampalataya?” Gawa 19:1, 2. TKK 18.1
Marami ngayong walang-alam sa gawain ng Banal na Espiritu sa puso na gaya rin nung mga mananampalataya sa Efeso; pero wala na ritong katotohanang mas malinaw pang itinuturo sa Salita ng Diyos. Tinalakay na ng mga propeta at apostol ang temang ito. Si Cristo mismo ay tinawag ang ating pansin sa daigdig ng mga halaman bilang ilustrasyon sa gawain ng Kanyang Espiritu sa pagsustento sa espiritwal na buhay. Ang dagta ng puno ng ubas, na umaakyat mula sa mga ugat, ay kumakalat sa mga sanga, na tumutustos sa paglaki at nagpapabulaklak at nagpapabunga. Gayundin naman, ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nagbibigay-buhay, na nagmumula sa Tagapagligtas, ay kumakalat sa kaluluwa, pinapanibago ang mga motibo at damdamin, at dinadala ang mga pag-iisip tungo sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, binibigyang-kapangyarihan ang tumatanggap na magkaroon ng mahahalagang bunga ng mga banal na gawa. TKK 18.2
Hindi nakikita ang May-akda ng espiritwal na buhay na ito, gayundin ang tiyak na paraan ng pagbibigay at pagsustena sa buhay na iyan, ito'y hindi kayang maipaliwanag ng pilosopiya ng tao. Gayunma'y palaging kasang-ayon ng Salita ng Diyos ang mga paggawa ng Espiritu. Kung paanong sa kalikasan, gayundin sa daigdig na espiritwal. Ang natural na buhay ay iniingatan sa bawat sandali ng banal na kapangyarihan; gayunma'y hindi ito inaalalayan sa pamamagitan ng direktang himala, kundi sa pamamagitan ng paggamit ng mga pagpapalang abot-kamay natin. Gayundin naman, inaalalayan ang espiritwal na buhay sa pamamagitan ng paggamit ng mga pamamaraang iyon na ibinibigay ng Diyos. Kung gusto ng tagasunod ni Cristo na lumago “hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo” (Efeso 4:13), kailangan niyang kumain ng tinapay ng buhay at uminom ng tubig ng kaligtasan. Kailangan niyang magbantay at manalangin at gumawa, na laging sinusunod ang mga tagubilin ng Diyos sa Kanyang Salita sa lahat ng mga bagay.— THE ACTS of THE APOSTLES, pp. 284,285. TKK 18.3