Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa, isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin. Awit 51:17. KDB 264.1
Hindi higit na maalwan ang landas tungo sa Langit ngayon kaysa nang mga araw ng ating Tagapagligtas. Kailangang isantabi ang lahat ng ating mga kasalanan. Ang bawat kalayawang minamahal na pumipigil sa ating relihiyosong buhay ay kailangang itakwil. Kailangang isakripisyo ang kanang mata o kanang kamay kung nagiging sanhi ito upang tayo'y magkasala. . . . Nakahanda ba tayong humiwalay sa pagkamatuwid-sa-sarili? Nakahanda ba tayong isuko ang mga kasamahang makasanlibutan na ating pinili? . . . Ang bawat relasyon na ating binubuo, gaano man kalimitado, ay nagkakaroon ng impluwensiya sa atin. Ang antas na tayo'y nagpaparaya sa impluwensiyang iyon ay nakasalalay sa antas ng intimasiya, ng dalas ng pagniniig, at ating pagmamahal at paggalang sa ating nakakasama. Kaya't sa pamamagitan ng pagkakilala at pakikisama kay Cristo, maaari tayong maging katulad Niya, na nag-iisang halimbawa ng kawalang-kasalanan.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 222, 223. KDB 264.2
Walang panlabas na kaanyuan ang makapaglilinis sa atin; walang ordinansa, na ipinatupad ng pinakabanal na tao ang makapapalit sa bautismo ng Banal na Espiritu. Kailangang magawa ng Espiritu ng Diyos ang gawain nito sa puso.... KDB 264.3
Maihahayag ang espiritu ni Cristo sa lahat ng naipanganak ng Diyos. Hindi maaaring magbangon ang alitan at pagtatalo sa kanila na kinokontrol ng Kanyang Espiritu. . . . KDB 264.4
Ang pag-uusap tungkol sa mga bagay na relihiyoso sa paraang pangkaraniwan, ang manalangin para sa mga espirituwal na pagpapala na walang tunay na kagutuman ng kaluluwa at buhay na pananampalataya ay may kakaunting bisa. Ang humahangang karamihan na nagsiksikan kay Cristo ay hindi nagtamo ng buhay na kapangyarihan mula sa pagkakadaiti sa Kanya. Ngunit noong ang abang babae na nagdurusa sa kanyang malaking pangangailangan ang nag- unat ng kanyang kamay at hinipo ang laylayan ng damit ni Jesus, naramdaman niya ang nakapagpapagaling na kapangyarihan. Sa kanya ay ang paghipo ng pananampalataya. — Ibid., p. 227. KDB 264.5