Siya'y hindi manlulupaypay o madudurog man, hanggang sa maitatag niya sa lupa ang katarungan; at ang mga pulo ay maghihintay sa kanyang kautusan. Isaias 42:4. KDB 336.1
Batid ni Cristo ang lahat ng hindi nauunawaan at pinasisinungalingan ng mga tao. Magagawa ng Kanyang mga anak na maghintay na may mapayapang pagtitiyaga at pagtitiwala, gaano man sila sinisiraan at kinamumuhian; dahil walang bagay na lihim ang hindi mahahayag, at silang nagbibigay karangalan sa Diyos ay pararangalan Niya sa harapan ng mga tao at ng mga anghel. . . . Si Abel, ang pinakaunang Cristiano sa mga anak ni Adan, ay namatay na isang martir. Si Enoc ay lumakad kasama ng Diyos, at hindi siya kinilala ng sanlibutan. Si Noe ay kinutya bilang isang panatiko at mananakot. . . . “Ang iba'y pinahirapan at tumangging tumanggap ng paglaya upang makamit nila ang higit na mabuting pagkabuhay na muli.” Sa bawat kapanahunan, nilait at inusig ang mga piniling sugo ng Diyos; ngunit sa pamamagitan ng kanilang kahirapan, napalaganap ang kaalaman ng Diyos. Dapat na pumasok sa hanay ang bawat alagad ni Cristo, at isulong ang katulad na gawain, na nalalamang walang magagawa ang mga kaaway laban sa katotohanan, kundi para sa katotohanan. Nais ng Diyos na madala sa harapan ang katotohanan, at maging paksa ng pagsusuri at diskusyon, kahit sa gitna ng paghamak na inilagay rito. Kailangang bagabagin ang pag-iisip ng mga tao; ang bawat pakikipagtalo, bawat pagdusta, bawat pagsisikap na pigilan ang kalayaan ng konsyensya, ay pinahihintulutan ng Diyos upang gisingin ang mga isipan na kung hindi dahil dito'y makatutulog.— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 32, 33. KDB 336.2
Hindi pababayaan ni Cristo ang kaluluwang pinagbuwisan Niya ng buhay. Ang kaluluwa ay maaaring iwanan Siya, at magapi ng mga tukso; ngunit hindi itatakwil ni Cristo ang tinubos Niya ng sarili Niyang buhay. Kung magigising lamang ang ating espirituwal na paningin, . . . makikita natin ang mga anghel na mabilis na lumilipad upang tulungan ang mga natutuksong ito, na nakatayo sa bingit ng bangin.— Ibid., pp. 118, 119. KDB 336.3