Ako ang PANGINOON, tinawag ko kayo sa katuwiran, kinuha ko kayo sa pamamagitan ng kamay, at kayo'y iniingatan, at ibinigay kita sa bayan bilang tipan, isang liwanag sa mga bayan. Isaias 42:6. KDB 337.1
Ang kaluluwang naisuko kay Cristo, ay nagiging sarili Niyang tanggulan, na hinahawakan Niya sa sanlibutang nag-aalsa, at nilalayon Niyang walang kikilalaning awtoridad dito maliban ang sa Kanya. Ang isang kaluluwang napananatili sa pamamagitan ng pagbabantay ng mga makalangit na kapangyarihan ay di-magagapi ng mga paglusob ni Satanas.— The Desire of Ages, p. 324. KDB 337.2
Mamuhay na may ugnayan sa buhay na Cristo, at hahawakan ka Niyang mabuti ng isang kamay na hindi bibitaw. Kilalanin mo at paniwalaan ang pagmamahal na tinataglay ng Diyos para sa atin; ang pag-ibig na iyon ay isang tanggulang hindi mapapasok ng mga panlilinlang at paglusob ni Satanas. “Ang pangalan ng Panginoon ay isang toreng matibay; tinatakbuhan ng matuwid at doon siya'y tiwasay.”— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 119. KDB 337.3
Walang tila higit na mahina, ngunit sa totoo'y higit na hindi matitinag, kaysa sa kaluluwang nakadarama sa sarili nitong kawalan, at lubos na nagtitiwala sa mga kabutihan ng Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng panalangin, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang Salita, sa pamamagitan ng pananatili sa Kanyang presensya, maaaring mabuhay ang pinakamahinang tao na nakaugnay sa buhay na Cristo, at hahawakan Niya sila ng kamay na hindi bibitaw. . . . Silang pinatawad ni Cristo nang pinakahigit ay pinakahigit na magmamahal sa Kanya. Sila'y sa huling araw ay tatayong pinakamalapit sa trono.—The Ministry of Healing, p. 182. KDB 337.4
Hinahanap ng mga anghel ng kaluwalhatian ang kanilang kasiyahan sa pagbibigay—pagbibigay ng pag-ibig at walang-kapagurang pagbabantay sa mga kaluluwang nagkasala at di-banal. Sinusuyo ng mga makalangit na nilalang ang mga puso ng tao; nagdadala sila sa madilim na sanlibutang ito ng liwanag mula sa mga bulwagan sa kaitaasan; sa pamamagitan ng banayad at matiyagang pagmiministeryo, kumikilos sila sa espiritu ng tao, upang dalhin ang naligaw na kaluluwa sa mas malapit na pakikisama kay Cristo kaysa sa mismong nalalaman nila.— The Desire of Ages, p. 21. KDB 337.5