At aking aakayin ang bulag sa daan na hindi nila nalalaman; sa mga landas na hindi nila nalalaman sila ay aking papatnubayan. Aking gagawing liwanag ang kadiliman sa kanilang harapan, at ang mga baku-bakong lugar ay papatagin. Isaias 42:16. KDB 338.1
Ang mga pagsubok na dinaranas ng mga Cristiano sa kalumbayan, kahirapan, at kadustaan, ay ang mga pamamaraang itinalaga ng Diyos upang ihiwalay ang ipa sa trigo. Ang ating pagmamataas, pagkamakasarili, masasamang pita, at pagmamahal sa makamundong kasiyahan, ay kailangang mapanagumpayan lahat; kaya't nagpapadala sa atin ang Diyos ng mga kahirapan upang subukin at patunayan tayo, at ipakita sa atin ang mga kasamaang umiiral sa ating mga karakter. Kailangang managumpay tayo sa pamamagitan ng Kanyang lakas at biyaya, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makatakas sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, at maging kabahagi sa likas ng Diyos. . . . Ang mga kahirapan, mga krus, mga tukso, kagipitan, at ang mga iba't ibang pagsubok natin, ay mga manggagawa ng Diyos upang dalisayin tayo, pabanalin, at gawin tayong handa para sa makalangit na kamalig.— Testimonies for the Church, vol. 3, p. 115. KDB 338.2
O, bakit napakasensitibo natin sa pagsubok at paghihirap, sa kahihiyan at pagdurusa, samantalang nagbigay sa atin ang ating Panginoon ng halimbawa? Sino ang nagnanasang pumasok sa kasiyahan ng kanilang Panginoon samantalang hindi sila handang makibahagi sa Kanyang mga paghihirap? KDB 338.3
Ano! Hindi handa ang alipin na pasanin ang pagpapakumbaba at pagbatikos na pinasan ng Panginoon nang walang pagka-makasarili para sa kanya? Umaayaw ang alipin sa buhay ng pagpapakumbaba at pagsasakripisyo na para sa kanyang sariling walang-hanggang kasiyahan, na sa pamamagitan nito'y makakamit niya sa huli ang napakalaki at walang-hanggang gantimpala? Ang wika ng aking puso ay: Itulot na maging kabahagi ako ng mga paghihirap ni Cristo, upang sa wakas ay makabahagi ako sa Kanyang kaluwalhatian.— Ibid., vol. 2, p. 491. KDB 338.4
Hindi ka dapat makilos mula sa iyong katatagan dahil sa mga pangungutya at panlilibak nilang ibinigay ang kanilang isipan sa kapalaluan. Sumunod sa iyong Tagapagligtas maging sa masama at gayundin sa mabuting ulat.— Ibid., vol. 2, p. 237. KDB 338.5